Taekwondo team isiniwalat ang kanilang nalalaman; PTA idineklarang hindi sinadya at hindi ipinabugbog ang dalagitang atleta
Mike Manalaysay April 9, 2024 at 05:08 PMIbinahagi ng mga miyembro ng Taekwondo team sa Arkipelago News ang kanilang mga nasaksihan at nalalaman tungkol sa isyu sa kanilang coach at mga kasamahan.
Inilabas na rin ng Philippine Taekwondo Association ang resulta ng isinagawa nilang review sa viral video ng sparring.
Selos ba talaga?
Inaakusahan si Coach Jerry Salvador na ipinabugbog niya ang dalagitang atleta sa isang black belter at pinarusahan niya ang buong Taekwondo team dahil nagselos siya sa boyfriend ng dalagita.
Pero ayon sa mga miyembro ng team, kasinungalingan ang alegasyon na ito.
Ang tunay na dahilan ayon sa grupo, nahuli ni coach na hindi pumasok sa klase ang ilang miyembro ng team noong February 26, birthday ng dalagita. Ito raw ang rason kung bakit sila pinarusahan.
Nasabi na sa mga team captain na magkakaroon ng punishment bago pa man dumating ang boyfriend ng dalagita.
“Yung araw na bday ni yellow yung pumunta ang partner niya yung morning na yun nadaanan ko si coach sa canteen nakita ko ang isang teammate na parang di siya pumasok ng klase. As a teammate kasi gusto kong mainfluence na pumasok sila kahit varsity sila sinumbong ko yun kay coach. Reaksyon ni coach ah di kayo pumapasok punishment kayo lahat sa akin. Nagkataon nagkasabay ang birthday surprise at punishment.,” paliwanag niya.
Dahil birthday nila, ipinatigil ni coach ang punishment sa dalagita at sa isa pang atleta makalipas ang ilang minuto.
Paliwanag ng instructor, knuckle push up position ang ibinigay niyang punishment. Ipinapatupad umano ang disiplina sa team para maging responsable sila sa isa’t isa.
May gusto ba talaga si coach Jerry sa dalagita?
Pinasinungalingan din ng buong team ang paratang na may gusto o nanliligaw si coach Jerry sa kanilang kasamahan.
Lahat daw sila ay pinagmamalasakitang ihatid sa bahay at isinasama ni coach na kumain sa labas.
“Wala akong naririnig na may gusto si coach kay yellow belt,” saad ng isang player.
“Simula 16 years old ako hinahatid ako ni coach sa amin. Hihintayin nya akong makauwi na at sasabihin niya na Cap chat ka sa akin kapag nakauwi na para alam niya na safe ako nakauwi. Sinabi niya rin na kumakain sila sa labas same po sa akin kumakain din kami sa labas. Nalungkot ako bakit ginawan nya ng malisya e alam nya naman na ginagawa din sa amin yun,” paliwanag pa ng isa.
Wala raw silang nararamdamang malisya sa ginagawa ni coach Jerry.
Aksidente sa sparring
Nasaksihan din ng team ang kontrobersyal na practice sparring at sigurado sila na hindi ipinabugbog ni coach ang dalagita. Hindi rin anila sinadya ng blackbelter at aksidente lang ang nangyari.
“Sa second kick hindi expected na maout of balance siya so yung follow up kick na nangyari is sumabay sa momentum ng pagbagsak ni yellow thats why tumama siya hindi siya sadya,” saad ng isang player.
“Ginagamitan niya ng push kick mukha lang sinisipa ng malakas pero patulak lang mga sipa. Inaalalayan niya lang kasi. Aksidente lang yung last part,” paliwanag naman ng isa pa.
Hindi raw kailangang itigil ang sparring dahil practice lang ito at hindi naman totoong binugbog ang kanilang team mate.
Mabilis din siyang dinala sa ospital at ipinagamot.
Hindi sinadya at hindi ipinabugbog- Philippine Taekwondo Association
Sa panayam ng 24 Oras ng GMA, sinabi ni Rocky Samson, secretary general ng Philippine Taekwondo Association, na sinuri nila ang video ng practice sparring. Wala umano silang nakikitang indikasyon na sinadya at iniutos na bugbugin ang babaeng atleta.
“Actually pag titingnan mong mabuti ang video hindi naman papunta yung sipa sa mukha. It’s two body kick dalawang papunta sa katawan. It’s just so happened yung second kick padulas yung bata kaya tumama siguro sa mukha,” ayon kay Samson.
Practice sparring sa mga lalaki
Noon pa man, nakikipag-sparring na ang dalagita sa mga lalaki, mas mabibigat, at mas mataas na belt na player. Normal na ginagawa ito sa mga practice sparring.
Ito raw ang dahilan kung bakit siya nahasa at nanalo ng tatlong gold at isang silver medal.
Iba naman ang rules sa competition- babae sa babae at lalaki sa lalaki lang ang pwedeng maglaban at dapat pareho ang timbang. Pero pwede ring magtapat ang magkaibang belt.
Sa practice nangyari ang aksidente at hindi sa competition.
Malupit si coach?
Hindi rin daw totoong mabigat magparusa o magdisiplina ang kanilang coach. Taliwas ito sa mga lumalabas ngayon sa social media na nagsasabing halos mamatay na ang mga atleta dahil sa bigat ng training at punishment.
“Kung paparusahan kami para sa stamina yun… para may mag-improve sa stamina po. Saka yung punishment di namin siya tinetake as punishment but as exercising. Kailangan din namin ng strength and conditioning,” paliwanag pa nila.
Mga magulang ng mga atleta
Nakapanayam din ng Arkipelago News ang mga magulang ng Taekwondo players dahil sinamahan nila ang kanilang mga anak.
Ayon sa kanila, malaki ang tiwala at sinusuportahan nila si coach Jerry. Karaniwan daw na lumalapit sa kanya ang mga atleta kapag may problema sila.
“Salita sa akin ng anak ko mommy hindi ako matatahimik kung di ako magsasalita kasi kami ang nakakaalam ng katotohanan. yun ang sabi ng anak ko kaya todo support ako,” paliwanag ng isang magulang.
“Nung nagkaproblema ang anak ko si coach ang hinahanap. ibig sabihin mali ang sinasabi na takot sila kay coach. E komportable ang anak ko na maglabas ng ano kay coach,” aniya.
Patunay anila ito ng kabutihan at tiwala ng mga bata sa kanilang instructor.
Lalabas din ang totoo
Dinadamayan din ng grupo ang kanilang coach sa kanyang mabigat na pinagdadaanan. Naniniwala sila na sa huli, mananaig din ang katotohanan.
“Masasabi ko kay coach magpakatatag lang siya nandito ang team di siya iiwan,” wika ng isang player.
“Nandito po ako ngayon kasi gusto kong ipakita kay coach na may nagtitiwala sa kanya at may sumusuporta po,” ayon pa sa isa.
Ipagdarasal din nila ang mabilis na paggaling ng kanilang team mate na nagkaroon ng injury sa practice.