Yassi Pressman, sinagot na ang isyu tungkol kina James Reid, Issa Pressman at Nadine Lustre
Kate Papina March 26, 2023 at 12:11 AM EntertainmentSinagot na ni Yassi Pressman ang mga ibinabatong alegasyon tungkol sa relasyon niya ngayon kay Nadine Lustre. Mainit din ang usapan kung ano ang reaksyon niya sa pag-amin ni James Reid na may relasyon siya sa kapatid ni Yasmin na si Issa Pressman
Matatandaan na nasangkot si Yassi sa cheating issue ni James Reid at Issa Pressman noong 2020 dahil inakusahan si Issa na third-party sa hiwalayang James Reid at Nadine Lustre.
Nangyari ito matapos kumalat ang video na sinasabing nagyakapan at naghalikan sina James at Issa habang kasama si Yassi at nakatalikod si Nadine. Kaya naman nadamay si Yassi sa isyu at pinaratangang “kunsintidor” ng mga netizen.
Sa isinagawang press conference noong March 23, para sa bagong comedy show na Kurdapya na pinagbibidahan ni Yassi, sinagot ng aktres ang mga katanungang ibinabato sa kaniya. Pinagdiinan ng aktres na maayos ang relasyon nila ni Nadine Lustre at sa katunayan aniya ay nakapag-usap pa sila.
“Isang beses ko lang po ito sasabihin: Wala pong problema. Kami po ni Nadine, okay po kami, ok din po ‘yung buong pamilya namin,” aniya.
Dagdag pa ni Yassi, inayos nila ang lahat sa pribadong paraan kasama ang kanilang mga pamilya bago isinapubliko ang relasyon nina James at Issa.
“So lahat po, walang problema. And [Nadine and I] are cool; we’re friends. We’ve been friends ever since we were kids. Kaya naman, lahat po, okay po.”
“Saka, ilang taon na rin po,” dagdag pa niya ukol sa paghihiwalay ni Nadine Lustre at James Reid noong 2019. “Kaya, ayun, sana everyone lets everyone be happy,” aniya.
Nakausap na rin daw ni Issa si Nadine matapos aminin sa publiko ang relasyon nina James at Issa, at naging hot topic sa social media.
“Sabi ko, ‘Uy, girl, nagkaka-anxiety ako sa lahat ng mga tao.’ She said, ‘Sorry to hear that. I hope you’re feeling better.’ Kasi yun po yung talagang totoong magkaibigan,” ani Yassi.
Nang tanungin naman siya tungkol sa reaksyon niya sa pag-amin nina James at Issa, sinabi niyang nagulat daw siya at hindi makapaniwala pero hinayaan na lang daw niya ang dalawa dahil nasa tamang edad na sila para magdesisyon sa kanilang sarili.
“Nagulat lang din po ako syempre. Sabay-sabay po tayo… Pero nung sinabi po sa akin ‘yon recently, hinayaan ko na lang din po na magdesisyon ‘yung mga tao because they’re old enough naman to make their own decisions na rin po,” pag-amin niya.
Sa huli, sinabi niya na lahat naman ng tao ay may karapatang pumili, “kung wala naman pong ibang taong tinatapakan at everybody’s not doing anything wrong naman, feeling ko wala naman pong problema,” pahayag niya.
Kinumpirma nina James at Issa ang kanilang relasyon nang magpost si James ng kanilang litrato na magkahawak ang kamay sa concert ni Harry Styles. Ito ang naging dahilan kung bakit muling nabuhay ang isyu noong 2020 na sinasabing si Issa Pressman ang dahilan ng paghihiwalay nina James at Nadine. Nilinaw rin ni James Reid na bagama’t may relasyon sila ni Issa sa kasalukuyan, hindi totoo ang isyu tungkol sa kanila noong 2020.
Photo: Yassi Pressman IG, Viva Artist Agency FB