17-anyos patay sa pamamaril sa Navotas; mga sangkot na pulis iniimbestigahan
Reggie Vizmanos August 9, 2023 at 04:48 AMNagluluksa ang mga kaanak at kaibigan ng isang 17-anyos na residente ng Navotas City matapos na pinagbabaril umano ito at napatay ng mga pulis habang siya at isang kasamang kapwa teenager ay nag-aasikaso ng bangka na ginagamit sa pangingisda.
Kinilala ang biktima na si Jerhode Jemboy Baltazar, 17, habang ang kasamahan nito na nakaligtas sa insidente ay hindi muna inilalantad ang pagkakakilanlan.
Base sa impormasyon, inihahanda nina Jemboy at ng kanyang kasama ang bangka dakong hapon ng Agosto 2 nang may dumating na mga miyembro ng Navotas police sa tinitirahang lugar ng biktima sa Babanse St., Phase 1C Navotas dahil may hinahanap umano ang mga pulis na suspect sa isang naganap na pagpatay.
May nagsabi umano sa mga pulis na isa kina Jemboy at kasama nito ang suspect. Hindi positibong na-identify ng mga pulis ang sinasabing murder suspect pero nagpaputok na umano agad ang naturang mga pulis kaya’t lumundag sa tubig si Jemboy subalit napuruhan siya ng mga tama ng bala ng baril.
Base pa sa nakalap na impormasyon, ipinag-utos na ni Navotas City police chief Col. Allan Umipig ang pag-disarma sa mga sangkot na pulis at pagsasailalim sa kanila sa inquest proceedings para sa kasong homicide sa Navotas prosecutor’s office.
Inihayag naman ng PNP Internal Affairs Service (IAS) na ipinag-utos na ni IAS Inspector General Triambulo ang masusing imbestigasyon sa pangyayari.
Ayon sa statement ng PNP IS, “As of this press release, the District Internal Affairs Service is already at the pre-charge investigation phase. At this stage, the IAS studies the charges to prosecute. The IAS extends its condolences to the bereaved family and condemns all acts of police misconduct and irregularity. Atty. Triambulo assures the Baltazar family and the public that there will be swift justice, and those liable will be held to account.”
Photo: Jessa Tolentino Baltazar