Labi ng nawawalang TNVS driver na si Raymond Cabrera, natagpuan sa Nueva Ecija
Paulo Gaborni July 11, 2025 at 09:45 PM
Natagpuan ng mga awtoridad ang labi ni Raymond Cabrera, ang nawawalang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver, sa isang liblib na bahagi ng Barangay Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija— halos dalawang buwan matapos siyang mawala.
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkakakilanlan ng mga labi, na nadiskubre nitong Biyernes. Huling nakita si Cabrera noong Mayo 18, matapos magsakay ng pasahero malapit sa isang casino hotel sa Parañaque City.
Ayon sa dashcam footage mula sa sasakyan ng biktima, patungo umano ito sa Molino, Cavite.
Sa isang hindi inaasahang pangyayari, tatlong suspek ang kusang sumuko kay Manila Mayor Isko Moreno noong Huwebes ng gabi. Inamin nila ang kanilang pagkakasangkot sa krimen, at dalawa sa kanila ang nagturo sa lugar kung saan itinapon ang bangkay ng biktima.
Isa sa mga suspek, habang hawak ang rosaryo at umiiyak, ay humingi ng tawad sa pamilya ni Cabrera.

“Humihingi po ako ng tawad sa buong pamilya,” aniya. “Ramdam ko po yung sakit. Kay Sir Raymond, araw-araw ko pong dadalhin ‘to. Kahit buong buhay ko, tatanggapin ko ang parusa.”
Ayon sa mga saksi, nangangamoy na at naagnas ang bangkay nang ito’y matagpuan sa isang tapunan ng basura.
“Dito, maraming nagtatapon ng bulok na hayop. Karaniwan lang ho namin na naamoy yan diyan. Minsan mga hayop na patay. Hindi ho namin naisip na tao yan,” sabi ng isang residente.
“Ginagawa kaming tapunan ng basura eh, at syempre maaaring may nakapapansin, sabihin na basura lang siguro,” dagdag ni punong barangay Orlando Bautista.
Isasailalim pa rin sa confirmatory tests ang mga labi para matukoy ang pagkakakilanlan, bagamat tiniyak na ito ng NBI.
“Kasi kailangan muna ito ma-identify. We may be led by the suspects of another remains. It is important,” paliwanag ni NBI Deputy Director and Spokesperson Ferdinand Lavin.
Idinagdag pa ng opisyal na hindi pa tapos ang kanilang pagsisiyasat, kahit na natagpuan na ang bangkay.
Contributed photo