Aga Muhlach iboboykot daw dahil sa pagganap bilang Bongbong Marcos
Blessie Cirera March 4, 2023 at 04:54 PM EntertainmentSa huling bahagi ng pelikulang Martyr or Murderer ng Viva Films, nagulat ang moviegoers nang bumulaga sa kanilang paningin ang award-winning actor na si Aga Muhlach. Batay sa takbo ng istorya, si Aga na ang gaganap sa role ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) sa next installment ng pelikulang Martyr or Murderer at Maid in Malacanang. Sa naunang dalawang pelikula ay si Diego Loyzaga ang gumanap bilang PBBM. Binigyang diin ng eksena na sa pagpapatuloy ng istorya, si Aga na ang papalit kay Diego sa pelikulang tinatampukan din nina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Ella Cruz at Cristine Reyes bilang mga miyembro ng pamilya Marcos.
Nauna na rito, bago ipalabas ang Martyr or Murderer, inamin ni Direk Darryl Yap sa interview sa kanya ng beteranong broadcast journalist na si Rico Hizon, na si Aga na nga raw ang gaganap bilang BBM sa third part ng Marcos film.
Kaya ngayon pa lang ay umuugong na ang usapan sa social media at may mga haka-hakang iboboykot daw ang mahusay na aktor para huwag tangkilikin ang kanyang gagawing pelikula. May mga hindi kumpirmadong balita rin na ilang produkto raw na ineendorso ni Aga ang diumano’y aaklas kapag itinuloy ng aktor ang pagsali sa nasabing movie. Ilan sa mga nabanggit na ineendorso ni Aga ay ang Jollibee, Selecta ice cream, Poten-Cee, Solmux, BayanTel, at iba. Wala pa namang inilalabas na pahayag ang mga nasabing produkto kung kakanselahin nga ba nila si Aga bilang endorser.
Sinasabing ang pagboboykot sa aktor ay isasagawa bilang protesta sa pagpapakalat ng kasinungalingan o historical revisionism tungkol sa administrasyon ng diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. Ayon sa mga biktima ng martial law, layunin umano ng tatlong pelikula ni Darry Yap na gumawa ng bagong naratibo para mapagtakpan ang mga pang-aabuso at corruption na naganap noong panahon ni Marcos Sr.