Alden Richard, nais na si Joshua Garcia ang gumanap ng kanyang life story sa Magpakailanman
Kassandra Mariano July 26, 2023 at 05:47 PM EntertainmentNang tanungin si Alden Richard ng media, sa isang virtual press conference, kung sino ang pipiliin niyang gumanap sa kanyang buhay, mabilis na isinagot ni Alden na si Joshua Garcia ang napipisil niya kung sakaling mabigyan ng part 2 episode ang kaniyang life story sa Magpakailanman.
Sampung taon na ang nakalipas nang unang maikwento ang buhay ni Alden at naniniwala siya na marami nang nagbago sa loob ng isang dekada lalo na sa kanyang buhay-artista.
“Akala nila ngiti-ngiti lang, pogi lang, maganda lang… But what is the business all about? How difficult it is to stay, how difficult it is to go? The people you trust in the industry, who are they?”
Ipinaliwanag din niya sa press kung bakit si Joshua ang kanyang napili. Hanga si Alden sa kakayahan ni Joshua sa pag-arte.
“Uy, si Joshua Garcia nasa GMA na bakit hindi siya, ‘di ba? And parang gusto ko,” ani Alden.
Nais niya umanong maikwento ng magaan ang kaniyang buhay, kapulutan ng aral at maipakita ang reyalidad sa industriya ng showbiz.
At kung bibigyan ng pagkakataon na muling gumanap sa buhay ng isang natatanging indibidwal, excited niyang sinabi na gusto niyang gampanan ang buhay ni Atty. Felipe L. Gozon, Chairman at CEO ng GMA Network.
“Portray natin ang buhay ni Mr. Gozon kung papayag po si boss,” ayon sa actor.
Mapapanood sa Magpakailanman ang kaniyang pagbibidahang apat na istorya sa month-long special ng TV show sa buong buwan ng August.
Iba-ibang kwento ang kaniyang ginawa at dahil sa tulong ni Direk Gina Alajar ay nagawa niya naman ito nang maayos. Tinitingnan niya ito bilang isang magandang pagkakataon sa kaniya bilang aktor.
“This is the opportunity. Gusto ko lately tsina-challenge ang sarili ko pagdating sa mga ganyan. Para hindi laging kumportable. Ayoko po nare-relax when it comes to acting. That’s the death of an actor, when you want roles na komportable,” dagdag pa ni Alden.
Photo: GMA Network