Australyano at dalawa pa arestado sa pagdeposito ng pekeng dolyar sa bangko
Anna Hernandez November 22, 2024 at 05:11 PM
MAYNILA — Tatlong indibidwal, kabilang ang isang Australian national, ang inaresto matapos tangkaing magdeposito ng pekeng dolyar na nagkakahalaga ng higit P20 milyon sa isang bangko sa Makati City noong Miyerkules.
Ayon sa ulat na isinumite kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. General Bernard Yang, kinilala ang mga suspek bilang si alyas “Emmanuel,” 42, isang Australian national at turista; alyas “Jessirise,” 59, HR officer ng isang foundation; at alyas “Imelda,” 59, isang retired accountant. Naaresto sila pasado alas-2:00 ng madaling araw noong Nobyembre 21, 2024, matapos ang masusing pagsisiyasat sa naturang kaso.

Nabatid na alas-2:40 ng hapon nang magtangkang magdeposito ang mga suspek ng $496,000 na pawang $100 bills sa isang commercial bank na matatagpuan sa Arnaiz Avenue, Barangay San Lorenzo, Makati City. Matapos ipasuri ang dolyar sa kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), natuklasang peke ang lahat ng mga banknote.
Kaagad na nakipag-ugnayan ang security officers ng bangko sa Makati Police Station, na nagresulta sa mabilis na pag-aresto sa tatlong suspek.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code (Illegal Possession and Use of False Treasury or Banknotes and Other Instruments of Credit).
Binigyang-diin ni Gen. Yang ang kahalagahan ng pag-iingat ng publiko, lalo na ngayong kapaskuhan, na posibleng dumami ang mga pekeng pera. Pinayuhan niya rin ang mga mamamayan na maging maingat sa kanilang mga transaksyon, lalo na sa pagtanggap ng banknotes sa personal na transaksyon o paggamit ng ATM.
📷 SPD