Bagong JRFTODA terminal sa West Bank, Pasig, pormal nang pinasinayaan
February 13, 2026 at 05:07 PM
PASIG CITY — Pormal nang binuksan ng Lokal na Pamahalaan ng Pasig ang bagong terminal ng Joyce Realty Francisco Tricycle Operators and Drivers Association sa West Bank, isang proyektong inilunsad upang mapabuti ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga tricycle driver at commuters sa lungsod.
Ayon sa Pasig LGU, ginawa ang bagong terminal para maiwasan ang mahabang pila sa kalsada, maging mas maayos ang daloy ng trapiko at mas maluwag ang pilahan.
Mahalaga rin ang proyekto dahil may bahagi ng Floodway sa ilalim ng terminal na bahagyang gumuho noong Bagyong Karina, kaya’t nakipag-usap muna ang pamahalaan bago simulan ang konstruksyon upang matiyak ang kaligtasan at tibay ng terminal.
Ang terminal ay may pinalawak na carriageway para sa mga tricycle at ginamitan ng concrete B1 pipes sa ilalim ng bawat ikalawang span para sa tibay at upang mabawasan ang vibration. Nagtayo rin ng 42-metrong waiting shed na may urinal at drainage system, at kumpleto sa lighting at electrical system, kabilang ang circuit breaker at 13 waterproof lighting fixtures. Para sa seguridad, mayroong 105-metrong cyclone wire interlink fence sa paligid ng terminal.
Bagamat hindi ito kabilang sa pinakamalaking proyekto ng lungsod, binigyang-diin ng LGU na mahalaga ang bagong terminal para sa kaligtasan at kaginhawaan ng parehong mga driver at commuters. Inaasahan na ang bagong pasilidad ay magiging mas ligtas, maayos, at komportableng lugar para sa araw-araw na transportasyon sa West Bank.
📷 Vico Sotto FB