| Contact Us

Bagong rebelasyon tungkol sa kulto sa Socorro

Reggie Vizmanos September 26, 2023 at 06:59 PM

Ipinagkait ng umano’y kultong Socorro Bayanihan Services Inc. ang pangangalaga sa kalusugan sa mga miyembro nito at sapilitan pang kinuha sa kanila ang malaking bahagi ng ayudang cash na natanggap nila mula sa gobyerno.

Ito ang ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros base sa nakalap nilang mga impormasyon at testimonya mula mismo sa mga dating miyembro ng grupo.

Isa aniya sa kanila ay tatawaging Vivian, 33-anyos, na nagsabing noong nagbuntis siya ay hindi siya pinayagan ng kulto na makakuha ng prenatal services, vitamins at iba pang serbisyong medikal na kailangan niya noon.

“Nanganak lang ako sa pinaka-gamutan namin, ang tawag ‘Function Hall.’ Ang walang lisensya ang nagpapanganak sa akin, na dating BHW at undergrad medical student. Ang nagpapakain sa akin ay pasyente din doon sa ospital,'” sabi ni Vivian.

“Noong two months old ang baby ko, nagkaroon siya ng medical emergency at nagkombulsyon dahil hindi kumpleto ang immunization. Muntik na siyang mamatay. Si Senior Agila ang nag-tuli sa kanya noong 2 months old siya. Nagka-UTI siya, so kinailangan pa siyang dalhin sa Surigao para makabili ng gamot,” saad pa niya.

Ayon naman sa isa pang survivor na itatago sa pangalang Elena, 33-anyos na dating DepEd teacher, noong sinalanta ng bagyong Odette ang Socorro at namahagi ang pamahalaan ng financial assistance na Social Assistance Program (SAP) sa mga labis na naapektuhan, sapilitang kinuha ng kulto mula sa mga miyembro ang 40-60% ng pera.

“May P5,000 na SAP galing sa gobyerno. Ang ginawa nila, may mga Agila na magbabantay sa gate kung saan ka lalabas at papasok. Doon nila kami hinuhuthutan ng pera para hindi marinig ng mga bisita mula sa ibang rehiyon,” kuwento ni Elena.

“Napatanong tuloy ako, Bakit sila ganon? Dahil kung siya talaga ay tunay na Diyos, dapat hinintay nila ang mga tao na buong pusong magbigay. Hindi yung sapilitan. Hirap na hirap ang mga tao noon dahil sa pinagdaanan nilang bagyo,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ni Sen. Hontiveros na marami pang mga testimonyang ihahayag ang mga survivor sa kulto na magpapatibay sa akusasyon na ang mga lider ng kulto, partikular si Jey Rence Quilario o Senior Agila, ay sinamantala ang trahedyang sinapit ng mga miyembro nito.

“In the upcoming hearing, we will be hearing more stories from survivors who suffered at the hands of Senior Agila. Inabuso na nga ang kanilang mga bata, winatak-watak ang kanilang mga pamilya, pinagkaitan pa sila ng mga karapatan at benepisyong dapat ay sa kanila. This cult has a lot to answer for. Titiyakin nating mabigyan ng hustisya ang mga kababayan nating sinaktan at inalipusta nila,” giit ni Hontiveros.

Photo: Sen. Risa Hontiveros

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 56 Last