Bea Alonzo at Dominique Roque, kinumpirma na ang kanilang paghihiwalay
Kate Papina February 12, 2024 at 01:55 PM EntertainmentMatapos ang ilang linggong espekulasyon tungkol sa tunay na kalagayan ng relasyon nina Bea Alonzo at Dominique Roque, kinumpirma na nila ang kanilang paghihiwalay. Sa isang joint statement sa Instagram, sinabi nilang hindi na matutuloy ang kanilang pagpapakasal.
“After much thought, consideration, and care, we have mutually decided to amicably end our engagement,” pahayag nila.
“We wanted to have more time to carefully deliberate and pray about it, but there have been many speculations, questions and insults,” dagdag pa nila.
Ayon sa dating magkasintahan kinailangan na raw nilang magsalita dahil sa mga pahayag na unang inilabas ng iba’t ibang personalidad tungkol sa kanilang relasyon.
“Some even confirmed our break-up without our consent and some created ridiculous stories that had no basis and were utterly false, so we felt the need to share this announcement with great sadness, for our peace of mind and our families,” paliwanag nila.
Hindi raw naging madali para sa kanila ang kanilang naging desisyon at parehas nila itong pinag-isipan.
Sa huli, humingi ang dalawa ng privacy at nakiusap sa mga netizen na huwag nang magbato ng masasakit na salita sa kanila sa social media.
“We kindly request to give us the privacy we need as we navigate our future lives with respect, kindness, compassion, and dignity,” saad nila.
Unang kinumpirma ng celebrity couple ang kanilang relasyon noong Abril 2021.
Inanunsyo naman nila ang kanilang pagpapakasal noong Hulyo 2023.
Ilang linggo bago ang balita tungkol sa pagsasaayos ng kanilang kasal na magaganap sana ngayong taon, umugong ang usap-usapan na dumadaan sa pagsubok ang relasyon ng dalawa. Ito ay matapos makita si Alonzo sa publiko na hindi na suot ang kanilang engagement ring. Dagdag pa rito ang hindi malinaw at paiba-ibang sagot tuwing tinatanong sila tungkol sa kanilang wedding.
Hanggang noong nakaraang Martes, February 6, ibinunyag ng talk show host na si Boy Abunda sa kaniyang programa na hiwalay na nga sina Bea Alonzo at Dominic Roque. Pero sinabi rin ni Abunda na sinusubukan pa ng dalawa na ayusin ang kanilang relasyon.