Beauty queen na si Kayesha Chua nagsalita na tungkol sa paghihiwalay ng kanyang mga kaibigang sina PBA player Scottie Thompson at Pau Fajardo
Gabbie Natividad June 25, 2021 at 10:24 AM EntertainmentNagsalita na ang beauty queen na si Kayesha Chua matapos ang hiwalayan ng kanyang mga kaibigang sina PBA player Scottie Thompson at Pau Fajardo. Napabalita rin kamakailan na ikinasal na ang PBA player sa isang flight stewardess na nagngangalang Jinky Serrano.
Bakit nga ba naghiwalay sina Scottie Thompson at Pau Fajardo?
Inako ni Thompson na siya ang may pagkakamali sa nangyari. Pero hindi naman niya nilinaw kung ano eksakto o saan siya nagkamali na nauwi sa kanilang biglaang hiwalayan.
Inilahad ito ng basketball player sa isang Facebook post matapos siyang ulanin ng batikos dahil sa kanyang naging trato sa dati niyang nobya.
Maalalang walong taon din ang pinagsamahan ng dalawa. Batid ng publiko kung gaano karomantiko ang relasyon ng dating magkasintahan dahil pareho silang mahilig magpost ng kanilang mga date sa social media. Sa katunayan, nagpropose na si Thompson kay Fajardo noong Enero ngayong taon, kung kaya’t marami ang nagulat sa biglaang pagkabuwag ng kanilang relasyon.
Dahil dito, nag-trending ang pangalan ni Thompson sa Twitter. Umani ng sari- saring negatibong komento ang basketball player dahil sa ginawa niya sa dating nobya. May ilang netizen din ang nagtanong kung nasaan na ang mga kaibigan ng dalawa.
“Let them be.”
Bilang kaibigan ng dating magkasintahan, inilahad ni Chua ang kanilang karanasan ukol sa mga nangyari sa isang mahabang Instagram post. Ayon sa post, ang katahimikan nilang magkakaibigan ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng suporta sa magkabilang panig. Binigyang- diin din ni Chua na marami pang hindi nalalaman ang publiko tungkol dito.
Sinabi rin ni Chua na humingi sa kanila ng suporta si Fajardo nang mag-umpisa silang magkaron ng problema, habang si Thompson naman daw ay mas piniling manahimik.
Sinubukan daw nilang kausapin si Thompson pero sa una lang daw siya sumagot at kahit noon daw ay walang malinaw na napag-usapan.
Kinalaunan daw ay tumigil na sa pagsagot ang basketball player. Kahit ang mga kaibigan at katrabaho niyang sina Kevin at Aj ay hindi na rin daw niya kinausap tungkol sa isyung ito.
Sinabi rin ni Chua na sana raw ay hayaan na ng publiko na maka-move on sa isyung ito ang dalawa, lalo na si Fajardo. Hindi raw “deserve” ng sinumang babae na tratuhin ng ganito.
Sa ngayon aniya, ang kailangan daw ni Fajardo ay dasal at suporta. Sinigurado rin ni Chua sa kaibigan na darating ang araw na tatawanan na lang niya ang yugtong ito sa kanyang buhay.
Sinabi rin ni Chua na makuntento na sana si Thompson sa kanyang piniling buhay.
Sina Kayesha Chua, MM Belarmino at Pauline Fajardo ang tinaguriang “bride squad” o mga fiancée ng mga basketball player na sina Scottie Thompson, Aljon Mariano at Kevin Ferrer.
Saan naganap ang kasal?
Naganap ang kasal ni Thompson kay Jinky Serrano sa city hall ng Las Piñas. Pribadong seremonya raw ito at isa raw sa mga naging ninong ay ang kanyang manager na si Danny Espiritu.
Ayon sa isang panayam kay Espiritu sa GMA News, hindi niya rin personal na kakilala si Serrano pero kinumpirma niyang ikinasal na nga ang dalawa. Nangako rin daw si Thompson na ipapakilala ang kanyang asawa sa mga susunod na araw.
Ayon pa kay Espiritu, hindi raw dapat maapektuhan ang career ng basketball player lalo na’t wala naman itong kinalaman sa kanyang propesyonal na buhay.
Photo courtesy of Scottie Thompson IG, Barangay Ginebra Twitter, PauFajardo FB, Jinky Serrano Thompson FB, at Kayesha Chua IG.