Biktima ng hazing na si John Matthew Salilig, ililibing na
Sonny Fernandez March 3, 2023 at 08:10 PM
Ililibing ngayong Sabado, March 4, ang labi ni John Matthew Salilig, ang 24 anyos na BS Chemical Engineering student sa Adamson University na sinasabing namatay sa hazing ng Tau Gamma Phi Fraternity.
Ayon kay John Martin, kapatid ng biktima, sabay na ililibing ang mga labi nina John Matthew at kanyang Lolo Romulo na pumanaw nung February 22.
Iniulat na missing si John Matthew noong February 18 at natagpuan ang kanyang bangkay sa mababaw na hukay sa isang bakanteng lote sa Barangay Malagasang, Imus, Cavite noong February 28.
Base sa autopsy report ng Calabarzon police, namatay si Salilig dulot ng “severe blunt force trauma to the lowet extremities.” Inuwi sa Zamboanga City ang labi ni Salilig noong Huwebes ng umaga, March 2.
Isa pang person of interest sa Salilig hazing death ang sumuko kay Cavite Governor Jonvic Remulla, nito ring Huwebes. Kinilala ng Cavite Provincial Police Office (PPO) ang 23-year-old suspect na si Daniel Perry na umaming isa sa naglibing kay John Matthew.
Samantala, sinampahan na ng kasong kriminal sa Department of Justice ang anim na hinihinalang sangkot sa pagkamatay ni John Matthew.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Law sina Tung Cheng Teng, 22; Earl Anthony Romero, 21; Jerome Balot, 22; Sandro Victorino, 28; Michael Lambert Ritalde, 31 at Mark Pedrosa, 39.
Complainants sa naturang kaso si John Michal, ang kapatid ni John Matthew at isa pang neophyte na nakasama rin umano sa ginawang hazing rites.
Nanawagan naman ang pulisya sa dalawa pang persons of interest na biktima rin umano ng hazing. Hinihikayat ng PNP Cavite na lumantad na ang dalawang biktima para hindi nasila maging persons of interest.
Kapuwa kinondena ng Department of Education at Commission on Human Rights ang insidente. Nagpaabot rin ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nangakong bibigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Salilig.
Photo: John Matthew Salilig FB