Blackbelter nagpaliwanag tungkol sa akusasyong nambugbog siya
Mike Manalaysay April 9, 2024 at 05:03 PM
Nagbigay na rin ng kanyang panig ang binatilyong black belter na inaakusahan ng pananakit sa isang dalagitang taekwondo player.
Nagviral ang video ng sparring nila dahil sa reklamo at tinamong injury ng babaeng atleta.
Binugbog diumano siya ng black belter dahil iniutos ng kanilang coach na si Jerry Salvador. Nauna nang ipinaliwanag ni coach na walang katotohanan ang mga paratang sa kanya.
Sa eksklusibong panayam ng Arkipelago News, binigyang diin ng binatilyo na wala siyang intensyong saktan at hindi siya sinabihan ng kanilang coach na manakit noong February 27.
“Wala pong ganun na sinabi si coach. Aksidente talaga ang nangyari unexpected talaga mangyari ang ganung accident,” paliwanag niya.
Parehong menor de edad ang dalawa. 17 years old ang babae at 15 years old naman ang lalaki kaya kailangang itago ang kanilang mga pangalan.

Ang salaysay ng binatilyo, pinatunayan ng mga miyembro ng taekwondo team na nakasaksi sa practice sparring.
Nanindigan sila na walang nag-utos na gulpihin ang dalagita at aksidente lang talaga ang nangyari.
“Wala akong narinig na pinapabugbog ni coach si yellow belt,” ayon sa isang player.
“Wala po talagang inutos. before sparring sinabi na mag-ingat iwas injury alalay lang. everytime laging sinasabi ng coach na mag-ingat sa injury alalay lang. Sa second kick hindi expected na maout of balance siya so yung follow up kick na nangyari is sumabay sa momentum ng pagbagsak ni yellow thats why tumama siya hindi siya sadya,” saad naman ng isa pa.
Ayon pa sa blackbelter, matagal na silang magkasama ng dalagita sa training at madalas din silang magpractice sparring.
Mahigit isang taon na raw na naglalaro ng Taekwondo ang dalagita. Nanalo na siya ng tatlong gold at isang silver medal.
“Sanay na kami sa isa’t isa. Kahit sa drills gusto nya ako nakakapartner niya ako nilalapitan niya. Nakikita ko nag-iimprove siya pag pinapartneran ko siya kasi tinutulungan ko sa player tinuturuan ko sya ng ibat ibang techniques at maimprove confidence nya sa paglalaro.
Kontrolado ang kanyang mga sipa, mabagal ang kanyang laro, at may iniinda rin siyang injury sa araw na iyon.
Pinatotohanan din ito ng kanyang mga kasamahan.
“Sobrang kontrol lang dahil si black ay alalay lang talaga hindi siya sobrang bigay na bigay lalo na babae kami,” ayon sa isang team player.
Kaya nagulat daw siya sa akusasyong nambugbog siya ng dalagitang walang laban.
“Hindi ko ineexpect na ganun ang sasabihin niya kasi kilala namin ang isa’t isa. Matagal na siya sa team. Nagulat ako sa sinabi na bago lang siya at binubugbog siya palagi,” paliwanag pa niya.
Hinding-hindi raw niya magagawang saktan ang dalagita dahil magkaibigan sila. Mahilig silang gumawa at magpost ng kanilang mga video sa Tiktok.
Ipinakita niya sa Arkipelago News ang ilan sa mga video nila.
Dahil sa mga maling paratang, nakakaranas ngayon ng pambubully ang binatilyo.
Kaya nalulungkot at nag-aalala sa kanyang kaligtasan ang kanyang nanay.
“Masakit bilang isang ina na pinalaki mo ng maayos ang anak mo tapos ganon ang mababasa mo sa socmed na batikos sa kanya. halos di kami makatulog ng mga kamaganak namin dahil kilala nila ang anak ko. Bilang nanay ako magiging matatag dahil sa akin siya huhugot ng lakas para lumaban sa ganitong batikos,” kuwento ng nanay.
Magsasampa rin daw sila ng kaso laban sa mga nag-akusa, nanira, at naglabas ng litrato ng kanyang anak na menor de edad.