| Contact Us

Broadcaster pinatay sa gitna ng kanyang programa; Pamamaslang mariing kinondena ng NUJP

Reggie Vizmanos November 5, 2023 at 04:56 PM

Pinagbabaril hanggang mapatay ng hindi pa nakilalang salarin ang isang radio broadcaster sa Calamba, Misamis Occidental habang ang biktima ay nasa gitna ng kaniyang live program sa social media.

Kinilala ang biktima na si Juan Jumalon, 57 anyos, mas kilala sa pangalang “Johnny Walker” na broadcaster sa 94.7 Gold FM.

Batay sa impormasyon mula sa Calamba Municipal Police Station, bandang alas-5:00 ng umaga nang naganap ang krimen sa loob mismo ng ginagamit ni Jumalon na broadcasting booth na nasa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Don Bernardo A. Neri sa bayan ng Calamba.

Makikita sa kuha ng live streaming ng biktima na habang binabasa niya ang mga nagpapabati ay biglang dumating ang salarin at pinagbabaril siya na agad niyang ikinamatay.

Mapapansin sa video na tumingin pa si Jumalon sa naturang salarin at wala na siyang nagawa nang bigla siyang paputukan.

Matapos ang pamamaril ay hinablot pa ng salarin ang kuwintas ng bktima.

Sa isa pang kumalat na video ay makikita sa CCTV footage ang sapilitang pagpasok ng dalawang naka-sumbrerong indibidwal na may dalang baril sa gate ng bahay ng biktima.

Mapapansing naiwan sa gate ang isa sa armadong lalaki habang nakatutok ang baril niya sa ulo ng nagbabantay sa gate. Ang isa naman ay nagmamadaling dumiretso sa loob ng bahay at binaril si Jumalon.

Mariing kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang krimen.

“The attack is even more condemnable since it happened at Jumalon’s own home, which also served as the radio station.” (Ang pag-atake ay dapat kondenahin dahil isinagawa ito sa loob mismo ng bahay ni Jumalon na nagsisilbi rin na radio station.)

Dagdag pa ng NUJP, “The killing also comes in the same week as the International Day to End Impunity For Crimes Against Journalists.” (Naganap ang pagpatay sa mismong linggo ng paggunita sa International Day to End Impunity For Crimes Against Journalists).

“Jumalon’s killing is the 199th since 1986 and the fourth under the present administration,” ayon sa NUJP.

Video: Gold FM livestream

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 53 Last