China iginiit na legal ang ginawa ng Chinese maritime militia; Sen. Hontiveros kinondena ito
Mike Manalaysay December 5, 2023 at 07:48 PMIginiit ng China na “justified and lawful” ang ginawa ng maritime militia boats malapit sa Julian Felipe Reef.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni Wang Wenbin, tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry, na ang Julian Felipe Reef, na tinawag niyang Niu’e Jiao, ay parte ng Nansha Qundao.
Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) noong Linggo na mahigit 135 Chinese maritime militia vessels ang namataan sa Julian Felipe Reef. Ayon sa PCG, magkakatabing nakaparada ang mga Chinese vessel sa gitna ng karagatan sa bahaging ito ng West Philippine Sea. Matatagpuan ang Julian Felipe Reef sa 175 nautical miles west ng Bataraza, Palawan.
Samantala, kinondena ni Senator Risa Hontiveros ang ginawa ng mga sasakyang pandagat ng Chinese militia.
“This is appalling, but again, not surprising. We have seen this before. In 2021, over 200 ships were moored near Julian Felipe Reef, urging our government to then file a diplomatic protest. In 2022, they returned again. Ngayon, umulit na naman,” ayon sa pahayag ng senadora.
Pero kahit ilang ulit na aniyang kinondena ng gobyerno ng Pilipinas at ng international community ang kanilang mga ilegal na aktibidad sa West Philippine Sea, hindi raw ito pinapakinggan ng China.
“Araw-araw, may plano ang Tsina na saklawin ang mga teritoryo natin. Maliwanag na sila talaga ang nag-uumpisa ng gulo, hindi tayo,” aniya.
“By now, we should be doing more than fire off a diplomatic protest. We have to execute actionable on-the-ground steps to prevent the Chinese from any reclamation and base-building activities in Julian Felipe. Tiwala ako na gagawin na ito ng National Task Force for the West Philippine Sea,” dagdag pa ni Hontiveros.
Nangako naman ang PCG na ipagtatanggol ang West Philippine Sea sang-ayon sa Philippine laws, international laws, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at 2016 Arbitral Award.
Pinaboran ng Permanent Court of Arbitration ang Pilipinas noong 2016. Pinawalang bisa din nito ang tinatawag na “nine-dash line” ng China dahil wala itong legal na basehan sa ilalim ng international law. Hindi kinikilala ng China ang desisyong ito.
Photo: Philippine Coast Guard, Sen. Risa Hontiveros FB