Cristy Fermin tinawag na walang utang na loob si Liza Soberano
Kate Papina March 1, 2023 at 10:54 PM EntertainmentMukhang hindi nagustuhan ng beteranang showbiz columnist na si Cristy Fermin ang mga sinabi ni Liza Soberano sa kanyang vlog kamakailan. Sa latest episode ng kanyang radio program na “Cristy Ferminute”, nagpakawala siya ng maaanghang na salita laban kay Soberano.
Ikinumpara pa ni Fermin si Soberano sa mga kinikilala sa movie industry katulad nina Vilma Santos, Sharon Cuneta at Nora Aunor. Maaga rin daw silang nagsimula sa showbiz pero hindi raw sila nagreklamo o nagsalita ng masama.
“Nakakalungkot ka Liza Soberano, napakaraming artista sa kasaysayan ng pelikula at telebisyon na nagtagumpay na pinahalagahan ang kanilang ginagawa. Nine years old ang ‘Star for All Seasons’ Vilma Santos nang magsimula sa ‘Trudis Liit,’ unang humawak ng mikropono si Sharon Cuneta para i-record ang ‘Mr. DJ,’ dose anyos! Hindi kailangan ng pera ni Sharon dahil ipinanganak siyang may gintong kutsara sa bibig pero naringgan ba natin sila?” aniya.
“Kahit si Nora Aunor wala tayong narinig na ‘e, kasi ganito, e, kasi ‘yan lang ang proyektong ibinigay sa akin, inalisan ako ng karapatan na maging ako,’ tapos ngayon sasabihin mo, ngayon mo palang nae-enjoy ang buhay mo bilang ikaw si Hope Elizabeth,” dagdag pa ni Fermin.
Diretsahan ding sinabi ni Fermin na wala raw utang na loob si Soberano dahil nagawa pa raw niyang magreklamo sa kabila ng mabuting pagkakataon na ibinigay sa kanya.
“Ikaw lang ang tanging artista na naringgan namin na nagreklamo sa ibinigay na magandang oportunidad sa ’yo ng iyong manager at ng iyong produksyon. Nakakalungkot ka Liza Soberano. Napakaraming artista sa kasaysayan ng pelikula at telebisyon na nagtagumpay na pinahalagahan ang kanilang ginagawa. Walang utang na loob ang batang ito! Ito pala ang dahilan kung bakit ka umalis ng Pilipinas. Gagawin mo pang sangkalan ‘yang Hollywood na butas ng karayom ang lulusutan mo bago ka makapasok. Gagawin mo pang katwiran ang kung anu-anong blah-blah!”
“Eto lang pala! Ayaw mo pala ‘yung mga pinagagawa sa‘yo ng Star Cinema, ng ABS (CBN), ayaw mo pala ‘yung pamamalakad ng manager mo, ayaw mo pala lahat ‘yun? Binura mo na pala lahat ‘yun sa pagkatao mo bilang artista. Wala kang utang na loob, hindi ka Pilipino! Tamang-tama lang na ang citizenship mo ay Amerikano ka pa rin hanggang ngayon!” dagdag pa ni Fermin.