DBM inaprubahan ang pagpapalabas ng P3-B pondo ng AICS program ng DSWD
Mon Lazaro November 21, 2023 at 11:49 PM
Aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P3 bilyong karagdagang pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang dahilan sa pagpapalabas ng pondo ay para patuloy na mabigyang tulong ang mga indibidwal at mga pamilyang nangangailangan.
Sa pahayag na inalabas ng DBM, inaprubahan ni Sec. Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) at kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) nito noong ika-16 ng Nobyembre taong kasalukuyan.
“In adherence with President Ferdinand R. Marcos Jr.’s directive, we will continue to strengthen social protection measures for our kababayans, especially the marginalized and vulnerable sectors. Alam at naiintindihan po namin na malaking tulong po ang programang ito sa mga kababayan nating nangangailangan,” paliwanag ni Pangandaman.
Isa ang AICS sa mga mahahalagang serbisyo ng DSWD na nagbibigay ng medical assistance, burial, transportation, education, food, at financial assistance para sa iba pang serbisyo at pangangailangan ng isang indibidwal o pamilya.
Ang pagpapalabas ng karagdagang pondo ay nakaangkla sa special provision ng 2023 General Appropriations Act (GAA) na nagsasaad ng paggamit ng Unprogrammed Appropriations (UA).
Ayon sa nasabing special provision, may nakalaang pondo na maaaring gamitin para bigyang suporta ang infrastructure projects at social programs, kabilang na ang pagbibigay ng financial assistance sa mga indibidwal o pamilyang nangangailangan.
Batay sa Special Provision No. 1 ng UA, ang halaga na nakapaloob dito ay maaari lamang magamit kapag may bago o sobrang revenue collections.
Sa kasalukuyan, ang available excess revenue sa ilalim ng UA na nakalaan sa nasabing programa sa ilalim ng Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances ng DSWD ay nasa P3 bilyon.
Photo: Amenah Pangandaman FB