DBM naglabas ng P2.880 bilyon para sa pagbili ng mga firetruck at emergency medical equipment
Mon Lazaro May 20, 2024 at 06:49 PM
Naglabas ang Department of Budget and Management ng P2.880 bilyon para sa pagbili ng mga firetruck at emergency medical equipment sa buong bansa.
Ang nasabing halaga ay nakalaan para sa Department of the Interior and Local Government – Bureau of Fire Protection (DILG-BFP) upang suportahan ang patuloy nitong pagsisikap sa modernisasyon at palakasin ang kakayahan ng pamahalaan sa paglaban sa sunog.
Inaprubahan kamakailan ni Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) para sa nasabing pondo.
Gagamitin ang halagang P2.880 bilyon para sa pagbili ng 154 firetruck, 3 collapsed structure at rescue truck, at 132 na ambulansya.
Ang halagang ito ay kukunin mula sa balanse ng 80 porsiyento na bahagi ng BFP mula sa mga kita ng fire code ayon sa Republic Act (RA) No. 9514 na Kilala bilang “An Act Establishing a Comprehensive Fire Code of the Philippines, Repealing Presidential Decree No. 1185 and For Other Purposes.”
Matapos ang pagsasabatas ng RA No. 11589 na naglalayong palakasin ang BFP Modernization Program, nangako ang ahensya, sa pamumuno ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr., na paiigtingin ang pagtatatag ng mga serbisyong pangkaligtasan sa mga munisipalidad na walang mga fire truck at fire station, pati na rin ang pagpapalakas ng emergency medical services.
Bukod dito, sa ilalim ng nasabing batas, ang BFP Modernization Program ay ipapatupad sa loob ng sampung taon.
Sa pahayag ni Secretary Pangandaman, sinabi nito na “We understand how crucial BFP’s responsibilities are during emergency response and fire incidents. We owe it to them to support their ongoing capability enhancement efforts so they can effectively perform their mandate.”
“Bilang pagtugon din po ito sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos na i-equip ang ating firefighters. Alam naman po natin na sa pagtupad ng kanilang tungkulin, buhay ang nakataya,” ayon pa sa Kalihim.
đź“· Department of Budget and Management FB