DOH inaming mahigit 1 milyong Pinoy ang may sakit na TB; National Tuberculosis Day inobserba sa bansa
Reggie Vizmanos August 21, 2023 at 01:25 PM
Umaabot sa isang milyong Pilipino ang may sakit na Tuberculosis at nananatili itong isa sa sampung pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa at kumitil sa buhay ng 15,689 Pinoy noong 2022.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) kaugnay ng pag-obserba ng National TB Day tuwing Agosto 19 alinsunod sa Proclamation 840 na nilagdaan noong 1996 ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, “One of the directives of the President to me when he appointed me… was to address the problem of TB.” (Ang pagsugpo sa TB ang isa sa pangunahing direktiba ng Pangulo sa akin).
“The Philippines continues to be one of the top countries with the high burden of tuberculosis, and we’re like number 4 rank in the world,” dagdag ng kalihim. (Ang Pilipinas ay ikaapat sa mga bansa sa buong mundo na maraming kaso ng TB).
Kabilang aniya sa mga ipatutupad nilang solusyon ay ang pagpapaikli ng paggamot sa TB sa apat na buwan na lang sa halip na anim hanggang siyam na buwan sa kasalukuyan na madalas tuloy na hindi tinatapos ng mga pasyente.
Palalakasin din aniya ang pag-detect sa TB sa pamamagitan ng paggamit ng artificial intelligence (AI) at iba pang modernong teknolohiya.
Target din umano nilang gumamit ng video-assisted directly observed therapy short course (DOTS) upang hindi na obligahing pumunta araw-araw sa health center ang pasyente.
“Everyone who needs treatment must receive it promptly and consistently. The fight against TB requires our unwavering commitment, collective effort and solidarity. It is time to come together and declare a united stand to end TB in the Philippines,” sabi ng kalihim. (Ang lahat ng may sakit na TB ay dapat magamot agad nang tuloy-tuloy. Ang laban sa TB ay nangangailangan ng ating commitment at pagsasanib-puwersa. Kailangan na nating magsama-sama sa iisang layunin na sugpuin na ang TB sa ating bansa).
Photo: Presidential Communications Office