DOH nagbabala tungkol sa mga sakit na maaaring makuha sa tubig baha
Paulo Gaborni July 25, 2024 at 06:48 PM
MANILA — Nagbabala ang Department of Health sa mga sakit na maaaring makuha sa paglangoy o paglublob sa tubig baha.
Maraming lugar sa Metro Manila at mga karatig probinsya ang nakalubog ngayon sa baha dulot ng matinding ulan na dala ng bagyong Carina. May mga video na naglabasan sa social media na nagpapakitang nagkakasiyahang lumangoy at magdive ang ilang residente mula sa iba’t ibang lugar.
Kasama sa mga viral video ngayon ang mga kabataan na ginawang swimming pool ang baha sa Quezon Boulevard underpass na matatagpuan sa lungsod ng Maynila.
Nakuha pa ngang magbiro nang nagpost ng video na si Chad Gerona.
“Bagyo ka lang! Diver sila😅 Eyyyy🤙🤙🤙.”
Ayon sa DOH, hindi ligtas ang magtampisaw sa baha. Maaari kasing makakuha ng mga sakit tulad ng alipunga, tetanus, at Leptospirosis sa kontaminadong tubig.
Ang leptospirosis ay isang bacterial disease na nakakaapekto sa mga tao at hayop. Galing ito sa bacteria na Lepstospira. Karaniwan itong nakukuha sa ihi ng mga hayop tulad ng daga, aso, at mga alaga sa bukid na may sakit o impeksiyon. Naipapasa naman ito sa mga taong nalubog sa maruming tubig baha. Ang mga mas malalang sintomas ng leptospirosis ay kidney failure, meningitis, at problema sa paghinga.
Payo pa ng DOH, kung hindi maiiwasang malubog sa tubig baha, hugasang mabuti ang inyong mga paa at binti. Kumonsulta rin agad sa doktor para malaman kung kinakailangang uminom ng gamot na panlaban sa bacteria.
📹 📷 Chad Gerona