Ely Buendia, inaming hindi sila naging magkakaibigan ng mga dating kabanda sa Eraserheads
Cristine Arogante May 28, 2021 at 09:34 AM Entertainment“We were never friends.”
Ito ang kontrobersyal na pahayag ni Ely Buendia tungkol sa kanyang mga kasama sa bandang Eraserheads. Si Ely ang bokalista ng banda. Inamin niya ito sa isang sa Spotify podcast na ‘Wake Up with Jim and Saab’ noong March 7. Host sa naturang programa ang mag-asawang Saab Magalona at Jim Bacarro.
Topic sa naturang programa ang mga kuwento sa likod ng mga kantang naisulat ni Buendia noong miyembro pa siya ng Eraserheads.
Isa ang popular na kantang ‘Minsan’ sa napag-usapan. Ang kanta ay tungkol sa pagkakaibigan.
Kabisado ng mga tinatawag na batang 90’s ang bawat linya ng kantang ito:
“Minsan sa may kalayaan, tayo’y nagkatagpuan.
May mga sariling gimik at kanya-kanyang hangad sa buhay.
Sa ilalim ng iisang bubong, mga sikretong ibinubulong.
Kahit na ano’ng mangyari, kahit na saan ka man patungo.
Nguni’t ngayon, kay bilis maglaho ng kahapon.
Sana’y huwag kalimutan ang ating mga pinagsamahan.”
Marami, kundi man lahat, ay nag-akala na ang kanta ay tungkol sa samahan ng mga miyembro ng Eraserheads. Hindi malilimutan ang huling dalawang linya ng kanta:
“Nguni’t kung sakaling mapadaan baka ikaw ay aking tawagan
Dahil minsan tayo ay naging tunay na magkaibigan.”
March 7 pa inilabas ang podcast pero may ilang fans ang nag-ungkat ng mga sinabi ni Ely kaya ito pinag-uusapan ngayon.
“We were never friends.”
“That song is actually about my actual friends, the friends that were with me during my stay at Kalayaan. It wasn’t about the Eraserheads; it was about my friends… I don’t want to break any hearts again but we were never close, we were never friends, as in tight friends. That’s why we broke up,” ayon pa kay Ely.
Kahit halos tatlong buwan na mula nang sinabi niya ito, labis pa rin ang pagkadismaya ng mga E-heads fans. Ayon sa mga komento, inakala ng mga tagahanga na patuloy pa rin ang komunikasyon ng magkakabanda kahit na may sari-sarili na silang tinatahak na buhay.
Marami ang nainis at nasaktan, pero mayroon pa ring ilan na naiintindihan ang musician.
“Bakit ba kasi nagpapapansin na naman itong Ely Buendia na to? Yan tuloy nasaktan na naman kapatid kong diehard fan. Mukhang siya lang naman may problema, yung tatlo parang friends naman. Shut up na lang kasi Ely!” ayon sa tweet ni @spinoffweekends.
“My 90s heart is broken again. Broken heart After almost breaking the glass door of SMC after walking straight to it without sleep just to be able to watch their reunion concert in 2008 hahaha. After 2 decades you just say you’re not really friends,” pahayag naman ni @yemi1588 sa Twitter.
“Madaming badtrip kay Ely Buendia dahil hindi naman talaga sila magkakaibigan kahit magkakabanda sila. Marunong lang siya mag differentiate between friends and work colleagues,” pananaw naman ni @KurtOfAppealsPH.
Isa sa pinakasikat at pinaka-maimpluwensyang banda sa bansa noong 1990’s hanggang early 2000’s ang Eraserheads. 1989 nang magsimula ang banda at nag-disband sila noong taong 2002.
Ang banda ay binubuo nina Ely Buendia, Raimund Marasigan, Marcus Adoro at Buddy Zabala.
Kahit ilang taon nang hindi aktibo, nanatiling popular ang kanilang mga kanta. Naging inspirasyon at naging impluwensya rin sila sa ibang banda.
Matapos gumawa ng ingay ang sinabi ni Ely, muli siyang nagbigay ng kontrobersyal na pahayag sa kanyang tweeter:
“Big deal, still? Why hate on people who want to tell the truth? I didn’t ask to be interviewed, nanahimik na nga ko dito eh living a happy life kayo yung makulit about the eheads.
Photo courtesy of Ely Buendia Fb page