Hidilyn Diaz binigyan ng pagkilala sa kongreso
Ace Cruz July 29, 2021 at 04:42 PMKinilala ni Caloocan City 1st district Representative Along Malapitan ang makasaysayang pagkakasungkit ni Pinay weightlifter Hidiliyn Diaz sa kauna-unahang ginto ng bansa.
Sa isang abiso, sinabi ni Malapitan na kanyang isinulong sa Kamara ang isang resolusyong naglalayong bigyan ng pagkilala ang ambag ni Diaz sa larangan ng sports at sa karangalang kanyang iniuwi.
Bahagi rin ng naturang panukala ang pagkilala sa pinanggalingan ni Diaz bilang atleta at kanyang kontribusyon magmula ng pasukin niya ang larangan ng weightlifting.
“Kasama po ng lahat ng mga mambabatas sa kongreso, nais po naming batiin si Ms. Hidilyn Diaz, ganun din po ang kaniyang buong coaching team, sa taas-noong pagwawagayway ng ating watawat at sa kaniyang hindi mapapantayang dedikasyon bilang atletang Pilipino,” ani Cong. Along.
Ipinahayag din ni Malapitan na kaisa niya ang taumbayan na magbibigay suporta sa mga atletang Pilipino.
“Kasabay nito, asahan niyo pong isusulong at susuportahan ko ang anumang batas na naglalayong bigyang-prayoridad ang iba pang larangan sa aspeto ng palakasan, kasabay ng ating pagkilala sa kanilang husay at kakayahan,” dagdag pa ng kongresista.
Photo courtesy of Reuters/Edgard Garrido