| Contact Us

“Hito”, unang Pinoy movie na nanalong Best Short Film sa Vienna Film Festival

Sonny Fernandez June 12, 2023 at 04:14 PM Entertainment

Isang magandang regalo sa paggunita ngayon ng 125th Philippine Independence Day Celebration ang handog ng isang Pinoy na manunulat at direktor:

Sa kauna-unahang pagkakataon, wagi ang Pinoy film, “Hito”, sa katatapos na Vienna Short Film Festival nung isang linggo sa Austria.

Sinulat at dinirihe ni Stephen Lopez, ang “Hito” ay kakaibang sci-fi movie na nagpapaabot ng mensahe ng paglaban para sa kalayaan mula sa brutal na pamamaraan ng estado.

Kwento ito ng batang si Jani na pinalaki sa ilusyon na magtiwala sa umiiral na sistema, at kaibigan niyang isda na nagsasalita at naging bioweapon.

Matapang na tinalakay ng pelikula ang marahas na kondisyon na kinalalakihan ng mga bata kung saan binabaluktot ang kasaysayan para manatili sa kapangyarihan ang mga naghahari-harian.

30 entries mula sa 20 bansa ang naglaban-laban sa Fiction and Documentary (FIDO) category.

Ang FIDO ay isa apat na categories kasama ang Animation Avant Garde, OW- Austrian Competition at MUVI – Austrian Music Video.

Nag-uwi ng 5K Euros si Lopez at imbes trophy ang ibinigay ngayong taon, isang puno ang itinanim at inalay sa kanya at sa buong team, una sa kasaysayan ng Vienna Shorts.

Nang tanungin kung bakit ito ang pelikula at pamamaraan na ginawa nya, sagot ni Lopez:

“Living in a post-colonial /semi-feudal banana punk dystopia called the Philippined.. just kidding or not..

“It started with the urge to make a creature/ sci-fi film in the vein of Godzilla or Mothra merged with the stupid idea of a talking catfish.”

Kwento pa ni Lopez, sobrang nahirapan silang ibenta ang ideya sa producers.

Nagtiwala sa kanila ang Anima Studios (dating Globe Studios) na pinayagan silang maging parte ng kanilang short film lab.

Binigyan sila ng mga gamit, pondo at mentoring hanggang mabuo ang konsepto.

Sobrang tuwa at ipinagmalaki ni Lopez ang panalo na inihandog niya sa “team ng mga manggagawa na bumuo ng pelikula at mga pamilya na sumusuporta sa kanila.”

Kasama ni Lopez sa team sina Sheka Ong, producer; Quark Henares, Jan Pineda, Armi Rae Cacanindin, executive producers at Junjun Quintana, direktor.

Gumanap na “Jani” si Kyrie Allison Samodio, Ben Alias at Maricel Sombrio bilang “Kiefer”, Bor Ocampo bilang “Boyet”, “Donato” naman si Edwin Barrios Serrano at “Shania” si Ina Azarcon-Bolivar.

Sa kanyang makasaysayang panalo, nagbigay pugay si Lopez sa “cultural workers, artists at mga Pilipino na patuloy pa ring nagsisikap itaguyod ang bansa natin despite sa un-ideal living situation, mabuhay lahat kayo!”

Si Lopez, 23, ay nagtapos ng nursing sa University of Sto. Tomas (UST) at pumasa board. Dahil sa dami ng underpaid nurses sa bansa, minabuti niyang sumentro at magpakadalubhasa sa filmmaking.

Anak siya ni Jade Lopez na batikang mamamahayag at isa sa apat na segment hosts ng dating The Correspondents.

Photo: Stephen Lopez

Array
Facebook Notice for EU! You need to login to view and post FB Comments!
1 2 3 4 5 6 7 8 9 Last