Kaso ng mag-inang Mollenido, itinuturing na case closed ayon sa DILG
Angelo Calixtro February 3, 2026 at 10:06 PM
MANILA — Itinuturing nang case closed ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kaso ng pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Diane Mollenido at sa kaniyang walong taong gulang na anak, matapos maaresto ang lahat ng apat na suspek.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), nasa kustodiya na sa Camp Crame ang apat na itinuturing na suspek sa krimen.
Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na nakumpleto na ang pag-aresto sa mga suspek matapos sumuko ang ikaapat na sangkot noong Lunes.
“Based on our investigation, this is considered case closed. Charges will be filed,” pahayag ni Remulla sa isang press briefing sa Camp Crame nitong Martes.
Itinuturing na mga pangunahing suspek ang car agent na si Pia Katrina Panganiban at ang kaniyang asawa na si Christian Panganiban, isang dating pulis na nasibak na sa serbisyo.
Batay sa imbestigasyon, nagtungo ang mag-ina sa bahay ng mga Panganiban noong Enero 16 upang ibenta ang kanilang lumang sasakyan at tapusin ang bayad sa bagong biling kotse.
Dito umano naganap ang krimen. Binaril sa ulo si Mollenido, habang namatay naman ang kaniyang anak dahil sa suffocation matapos takpan ang kanyang ulo.
Natagpuan ang bangkay ni Mollenido sa isang sapa sa Bulacan noong Enero 24, habang natagpuan naman ang bangkay ng kaniyang anak sa isang madamong bahagi ng taniman ng kalamansi sa Tarlac noong Enero 29.
Inaresto ng pulisya sina Pia at Christian Panganiban, kasama ang kanilang kasambahay, noong Enero 30 matapos matuklasan sa forensic examination ang bakas ng dugo sa kanilang bahay.
📷 DILG Philippines FB