Kawalan ng respeto ni Pangulong Duterte sa senado, kasalanan din ng mga senador
Andres Bonifacio Jr. September 2, 2021 at 06:38 AM
“Kung ano ang itinanim, siyang aanihin.”
Sa salawikain na ito inihahalintulad ng abogado at manunulat na si Atty. Wilfredo Garrido ang ipinakitang kawalan ng paggalang, pagbabanta at pang-iinsulto ni Presidente Rodrigo Duterte sa mga kapwa halal na opisyal ng pamahalaan, partikular sa mga senador nitong Lunes ng gabi, August 30.
Magugunitang binanatan ni Duterte sa kaniyang programang “Talk to the People” na umere nitong Martes ng umaga ang Senado sa ginagawa nitong imbestigasyon sa paggastos ng pondong nakalaan para sa pandemya.
Umpisa pa lang ng programa ay palaban na ang pangulo at hinikayat ang publiko na huwag paniwalaan ang lumalabas sa hearing kaugnay ng 42 bilyong pisong deficiency ng Department of Budget Management o DBM.
Pagpapasiklab lang daw ang ginagawa ng mga senador dahil nalalapit na ang eleksyon.
Sapul din sa tirada ni Duterte si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon, na pinintasan ang pamamaraan ng pagtatanong nito kay dating Budget Undersecretary Christopher Lao.
Naging personal ang naging banat ni Duterte dahil pinuna niya pati ang pangangatawan ni Gordon.
“Ang advice ko sa iyo magpapapayat ka muna para medyo… nalilipong (nahihilo) ako pag tinitingnan kita,” ani Duterte.
Binantaan naman ni Duterte si Senador Panfilo Lacson na may ibubunyag umano ito laban sa senador sa mga susunod na araw.
Sa parehong programa, ipinagtanggol ni Presidente Duterte sina dating budget undersecretary Lloyd Christopher Lao at dating presidential adviser Michael Yang sa isyu ng 8.68 bilyong pisong halaga ng diumano’y overpriced pandemic medical supplies.
Ayon sa September 1 post ni Atty. Garrido sa kaniyang Facebook page, tila inaani na ngayon ng mga senador ang kanilang itinanim sa ipinamamalas na ‘total disrespect’ ni Presidente Duterte sa senado ng Pilipinas.
Sabi pa ni Garrido, kung nakakaranas man daw ang mga senador ng pagkapahiya o tila nilalaspatangan na ang kanilang institusyon, wala raw ibang dapat sisihin kundi sila mismo.
“They created the monster that Duterte is. The former city mayor from the South elected by a minority elevated to the highest position of the land and handed ever greater powers at the expense of the two other branches of government.” paliwanag ni Atty. Garrido.
Wala rin daw presidente sa kasaysayan ng bansa ang nagtamasa ng parehong kapangyarihan tulad ng mayroon si Duterte na hiningi ng Pangulo sa Kongreso o kusang ipinagkaloob ng Kongreso sa Pangulo.
Inisa-isa ni Garrido ang mga kaganapan kung paanong tila pinamihasa ng Kongreso si Duterte sa kapangyarihang hawak nito.
Una niyang binanggit ang pagdedeklara ng Martial Law sa Mindanao para masolusyunan umano ang problema sa kaayusan at kapayapaan sa rehiyon noong May 2017.
Dalawa’t kalahating taon tumagal ang batas militar sa Mindanao dahil sa tatlong beses na extension na hiningi ni Duterte na kaagad namang ipinagkaloob ng Kongreso. Ito ay sa kabila diumano ng kawalan ng sapat na basehan sa ilalim ng Konstitusyon. Tila nakalimutan din daw ng Kongreso na maaari nilang bawiin ito anumang oras
Ikalawa, ang pagbibigay ng emergency powers ng Kongreso kay Duterte para harapin ang problema ng pandemya ng bansa sa pamamagitan ng Bayanihan 1
at Bayanihan 2 kung saan napasakamay ni Duterte ang kapangyarihan kung paanong gagastusin ang mahigit sa limang daang bilyong piso.
Ang tila pagdaragdag pa sa kapangyarihan ni Duterte sa pag-aresto ng walang warrant sa mga itinuturing na kaaway ng estado sa ilalim ng kontrobersyal na Anti-Terror Bill.
Ang maluwag na pagpapahintulot na makapasa ang papalaki ng papalaking budget taun-taon.
“When he was not handed powers on a silver platter, he simply grabbed them.” pagpapatuloy ni Garrido
Ganito inilarawan ng abogado ang nangyari sa War on Drugs kung saan ginamit at inabuso diumano ni Duterte ang kapangyarihan ng pulisya para balewalain ang tinatawag na rules of engagement at yurakan ang mga karapatang pantao.
Kahit ang ikatlong sangay ng pamahalaan ay nagawa rin umanong paikutin ni Duterte sa kaniyang mga kamay nang mapatalsik noon si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng tinawag ni Garrido na ‘legal legerdemain’.
At kung nagawa ni Presidente Duterte na mapaalis sa puwesto ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema, ayon kay Garrido, magagawa rin daw ito ni Duterte sa mga senador na diumano’y naging sunud-sunuran sa kanya sa panahon ng kaniyang panunungkulan.
“Now these Senators Gordon, Lacson et al want to fight back, belatedly, to redeem their reputation and save their institution from becoming a rubber stamp,” ayon kay Atty. Garrido.
Nagbigay rin si Atty. Garrido ng ilang mungkahi tungkol kay Duterte, Senador Bong Go at iba pang personalidad.
- Cut the president’s intelligence fund;
- Abolish NTF-ELCAC;
- Send Christopher Lao to jail for contempt;
- Expel Bong Go from the Senate for ethics violation;
- Immediately close the Senate investigation in view of Duterte’s admissions and endorse the prosecution of Duterte, Go, Duque, Lao, Yang, et al. for plunder, graft and corruption to the Ombudsman (the case against Duterte to be acted upon once he leaves the presidency);
- Declare their support for the Leni-Sonny tandem,” ayon pa kay Atty. Garrido.
Babala pa ni Garrido, kung hindi magagawa ng mga senador ang mga iminumungkahing hakbang, habambuhay na dadalhin ng mga mambabatas ang bunga ng kanilang naging pagkakamali kay Duterte.
“They deserved to be mocked and kicked around by Rodrigo Duterte,” pagtatapos ni Garrido sa kaniyang post.
Photo courtesy of PCOO, Senate Prib, and Senate of the Philippines Fb Page