| Contact Us

Kulto sa Surigao del Norte na sangkot sa pang-aabuso sa mga bata pinaiimbestigahan

Reggie Vizmanos September 20, 2023 at 04:15 PM

Pinaiimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ang umano’y mga insidente ng panggagahasa, sapilitang pagpapatrabaho, at child marriage na nagaganap sa Socorro, Surigao del Norte kung saan ay sangkot aniya ang isang kulto.

Sa kaniyang privilege speech kasabay ng paghahain ng Proposed Senate Resolution No. 797 para sa imbestigasyon, sinabi ni Hontiveros na ang naturang kulto, na may pangalang Socorro Bayanihan Services, Inc. (SBSI) at mas kilala ngayon bilang Omega de Salonera, ay pinapaniwala ang kanilang mga miyembro na ang isang nagngangalang Jey Rence Quilario ang Messiah o Tagapagligtas.

Ang organisasyong ito aniya ay mayroon nang 3,650 miyembro, kabilang ang 1,587 bata, at nakabase sa liblib at bantay-saradong lugar sa bundok na tinatawag na Sitio Kapihan sa munisipalidad ng Socorro.

Sabi ni Hontiveros sa kaniyang privilege speech, “… Ang pinag-uusapan nating mga bata ay higit sa isang libong kabataan na nasa kamay ng isang mapanlinlang, malupit, at mapang-abusong kulto.”

“(N)akakahindik po ang ibabahagi ko sa inyo ngayong araw… This is a harrowing story of rape, sexual violence, child abuse, forced marriage perpetrated on minors by a cult in the Municipality of Socorro, Surigao del Norte,” ani Hontiveros.

Ayon pa sa senadora, “matagal na ang People’s Organization na ang pangalan ay Socorro Bayanihan Services. Kilala ito dati sa pagiging civic organization na nagsusulong ng bayanihan sa munisipyo ng Socorro. Ngunit, noong 2017, nag-iba ang hugis at anyo ng organisasyong ito.”

Dagdag pa niya, “Ayon sa mga taga-Socorro, kasama ang mismong Mayor ng munisipalidad, nagsimula ang kulto noong may isang disisyete na taong gulang na bata na grinoom para maging susunod na diumanong tagapagligtas. Kinumbinse ng lider ng organisasyon na itong si Jey Rence Quilario na ang gawing lider ng Socorro Bayanihan Services dahil nga siya ang susunod na Messias. Siya daw ang bagong Hesus. Siya daw ang magliligtas sa kanila.”

“Siya ay binigyan ng script, tinuruan paano tumindig at magsalita ng may tikas ng isang Mamerto Galanida na three term Mayor ng Socorro at 3 term na BOCAL. Pagkatapos ay idineklara ni Jey Rence sa komunidad na siya daw ang reincarnation ni Senior Santo Nino,” ani Hontiveros.

Sinabi ng senador na noong Pebrero 2019 ay niyanig ang Surigao del Norte ng isang lindol. At dito nakakita ng oportunidad si “Senyor” at ang kanyang mga “handlers” kaya’t sinabihan niya ang mga tao na sumama sa kanya sa bundok na ang tawag ay Kapihan dahil iyon daw ang langit. At ang hindi sumama sa kanya ay masusunog sa impyerno.

Kasunod umano nito ay nagkaroon ng mass exodus patungo sa bundok ang maraming miyembro ng organisasyon, at hindi lang aniya ito mga ordinaryong tao na ‘di nakapag-aral.

“The LGU recorded mass resignations of Dep Ed teachers and government employees. More than one hundred elementary and secondary teachers from Socorro East and West Districts who were SBSI members went on AWOL. Thirteen (13) regular employees and Forty-One (41) Job Order workers from the Municipal LGU of Socorro have resigned. Enrolments at the Socorro East and West Districts had an alarming decrease of 847 learners, who are members of the Socorro Bayanihan Services, Inc., both in the elementary and secondary level.”

Pinapaniwala aniya ang mga dating elementary school teacher na “wala raw government employee ang pupunta sa langit.”

“Kung may mga utang daw kami, huwag daw kami mag-alala, dahil buburahin daw ni Senior Agila ang aming mga utang. Hawak ko po ang salaysay nitong dating DepEd teacher na ito.”

“The mountain allowed the cult to continue its activities without scrutiny. And this is where the harrowing tales of child abuse come in. I want you to listen to this video of one alias Jane,” saad ng senador.

Pahayag pa ni Hontiveros, “Ito naman po si Chloe, pilit pinakasal at kinulong pa sa kwarto para pilitin makipagtalik.”

Armado at mapanganid umano ang kulto ayon kay Hontiveros.

“Ayon sa isa pang menor de edad na itatago natin sa pangalang Renz, nakita niya mismo ang mga armas ng kultong ito. At nakita din niya ang sinasakong armas noong eleksyon.”

Marami ring nalaman ang tanggapan ng senador tungkol sa pondo ng kulto.

“Paano po sila nagkakapera? Kinokolekta ng organisasyon ang halos o mahigit na 50% ng mga natatanggap na 4Ps at senior citizen pension ng mga myembro. Noong panahon pandemya at noong hinampas ang Surigao ng bagyong Odette, naglabas ang gobyerno ng social assistance para sa mga residente. Kinolekta ng organisasyon ang 40%-60% ng natanggap ng bawat isa ng kanilang kasapi. Ang mga natatanggap na TUPAD o AICS, ang pera ng taumbayan, napupunta sa isang kulto.”

“Pero mayroon din po kaming nakalap na impormasyon na ang totoo at mas malaking source of funding ng kulto na ito ay droga. In fact po, kung tama ang sources, ang motibasyon kung bakit tinayo ang kulto na ito ay para maging human shield dahil nailagay sa narco-list ang pasimuno ng organization na ito na si Karren Sanico at ang kanyang dating business partner na yumaong Municipal Circuit Court Judge, na pinaslang diumano dahil sa kanyang pagkasangkot sa droga noong 2019. Si Mamerto Galanida ay naihamig di umano nila Sanico at naging bahagi din ng masterminds ng grupo,” saad pa niya.

Noon umanong nagdaang Hulyo, may walong bata na nakatakas na sa kulto at nasa kanlungan ng LGU at DSWD. Nagbuo ang Municipal Mayor ng Socorro na si Mayor Riza Timcang ng task force para gumawa ng aksyon laban sa kultong ito.

Ngunit makapangyarihan aniya ang kulto. Gamit ang kanilang pera at impluwensya, kinakasangkapan nila umano ang mga magulang na myembro pa nila at nagsasampa sila ng Habeas Corpus na mga kaso para maibalik ang mga bata sa kulto.

“Nagtagumpay na sila sa isang bata at itutuloy po nila isa isa hanggang makuha po nila lahat. Ang mga bata na po mismo ang nagmamakaawa na huwag na silang ibalik sa kulto. Bakit nga naman nilang gugustuhing bumalik sa isang komunidad, sa isang lider na nanloloko, nanggagahasa, at nananakit?”

Pero hindi lang daw sa Surigao nag-ooperate ang kulto kundi maging sa Maynila at iba pang lugar sa bansa.

“This cult is not a cult in the shadows of Surigao. Sila po ay nagtatanim ng impluwensya nila sa Manila at sa iba pang bahagi ng bansa. Ang kanilang binuong performing group, ang Omega de Salonera, ay nanalo pa sa isang international festival sa Korea, ang dahilan kung bakit pinarangalan sila dito sa Pilipinas.”

“Si Senior Aguila mismo – ang rapist ng mga bata, ang facilitator ng child marriage – ay nakatapak pa sa ating Senado at nagpapicture pa sa atin na mga Senador. Alam ko, hindi natin ito alam, mga colleagues. Dahil lagi naman may nagpapapicture sa atin,” pagwawakas ng senador.

Photo: Sen. Risa Hontiveros FB

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 56 Last