Marjorie Barretto at Timi Aquino nagsama sa house-to-house campaign para kay Bam Aquino
Mike Manalaysay February 27, 2025 at 05:35 PM
QUEZON CITY— Nagsama sa isang house-to-house campaign sa Barangay Krus na Ligas, Diliman, Quezon City sina Timi Aquino, asawa ng dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino, at aktres na si Marjorie Barretto para manghikayat ng suporta para sa kandidatura ni Aquino sa darating na halalan sa Mayo.
Nagbahay-bahay ang dalawa para mamahagi ng flyers at posters habang kinakausap ang mga residente tungkol sa mga adbokasiya, plano, at programang nais isulong ni Aquino sa Senado. Bukod dito, nakisaya rin sila sa mga taga-Krus na Ligas at nagpakuha ng litrato, habang ipinapakita ang No. 5 sign—ang numero ni Bam Aquino sa balota.

Madalas mapagkamalan si Timi Aquino na si Marjorie Barretto ng netizens dahil sa kanilang magkahawig na hitsura.
Tumatakbo si Aquino sa platapormang palawakin ang sakop ng Free College Law para matulungan ang mas maraming estudyante. Nais din niyang tiyakin ang subsidiya para sa iba pang gastusin sa eskwela. Kabilang din sa kanyang mga pangunahing isinusulong ang garantisadong trabaho para sa mga Pilipino.

Nananalig si Aquino na tataas ang kanyang survey numbers habang mas pinalalakas ng kanyang mga campaign volunteers ang pangangampanya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Naniniwala kami na gaya rin ng dati, gaya noong 2022, nagsimula noong kampanya, pasimula pa lang but by the end of the campaign nayanig iyong buong pundasyon ng politika sa Pilipinas,” ani Aquino, na tinutukoy ang kampanya ni dating Bise Presidente Leni Robredo noong 2022.
“Iyon rin ang makikita po natin. Mula ngayon for the next 90 days lalabas ang mga tao at makikita nila na maganda tayong alternatibo,” dagdag pa niya.
📷 Bam Aquino