Marso 20, 2026, idineklarang Regular Holiday para sa Eid’l Fitr
Angelo Calixtro March 16, 2026 at 06:34 PM
MAYNILA — Idineklara ng Malacañang ang Marso 20, 2026, araw ng Biyernes, bilang isang regular holiday sa buong bansa bilang paggunita sa Eid al-Fitr.
Inanunsyo ang deklarasyon habang nakibahagi si Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginanap na Grand Iftar sa Malacañang Palace kasama ang mga miyembro ng komunidad ng Muslim at iba pang lider mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang Eid’l Fitr ay mahalagang pagdiriwang sa Islam na hudyat ng pagtatapos ng Ramadan, isang buwang inilalaan sa pag-aayuno, pananalangin, at pagninilay ng mga Muslim.
Ayon sa Malacañang, ang deklarasyon ay pagkilala sa kahalagahan ng pagdiriwang at sa patuloy na kontribusyon ng mga Muslim sa paghubog ng kultura at lipunan sa Pilipinas.
Nagpaabot din ng pagbati ang Palasyo sa mga Muslim sa bansa at sa iba’t ibang bahagi ng mundo habang kanilang ipinagdiriwang ang Eid’l Fitr kasama ang kanilang mga pamilya at komunidad.
📷 Presidential Communications Office FB