Pagkahimatay ni Gigi de Lana habang kumakanta, nakunan ng video
Cristina Pettersson- Manalaysay May 15, 2023 at 05:27 PM Entertainment
Nakunan ng video ang pagkahimatay ng singer na si Gigi de Lana habang kumakanta sa Himala sa Buhangin event sa Ilocos Norte. Makikita sa video na napayuko si de Lana at tumigil sa pagkanta. Sinubukan pa niya uling kumanta pero muli siyang napayuko. Sa puntong ito ay nilapitan na siya ng mga organizer ng naturang event at binuhat siya pababa ng stage. Hindi na natapos ni de Lana ang kanyang performance.
Sa isa pang video, makikitang inaalalayan si Gigi sa kanyang pagpasok sa entablado. Halatang nahihirapang maglakad ang hinahangaang singer. Kapansin-pansin din ang suot niyang cast sa kaliwang braso.
Sa inilabas na pahayag sa Gigi de Lana Facebook page, hinimok nilang ipagdasal ang paggaling ni de Lana at iba pang miyembro ng banda. Nangako rin silang babalik sa Ilocos Norte.

Naaksidente si de Lana at mga miyembro ng kanyang bandang Gigi Vibes sa La Union dakong alas-diyes ng umaga habang papunta sila sa event sa Ilocos Norte nitong May 14. Nanggaling sila sa Sulong Aurora event ayon sa isang post sa kanilang Facebook page. Nagtamo ng minor injuries sina Gigi, Jon, Oyus, Mela at apat na crew members. Wala naman daw nadamay sa aksidente at naging maayos naman na raw ang lahat.

Ayon pa sa kanilang pahayag, binigyan sila ng medical clearance ng Ilocos Training and Regional Medical Center Hospital. Makikita rin sa mga pinost na larawan ang pinsala ng kanilang sinasakyan. Kinagabihan, nagperform pa rin ang grupo sa event sa Ilocos Norte kaya marami ang humanga sa kanilang professionalism.
May isa pa sana silang performance sa Nueva Ecija pero kinansela na ito dahil sa nangyari kay de Lana. Nagpaliwanag at humingi sila ng pang-unawa tungkol dito.

“Ka-Sikanflor, Giginatics sa Talavera Nueva Ecija:
Babawi po kami, and we promise to deliver a show that’s worth the wait. Maraming salamat sa inyong taos-pusong pagmamahal!”
Video: erolbreecalube Tiktok, anj.martinez Tiktok
Photo: Gigi de Lana FB