Pamamaril sa Antipolo: isang kritikal, tatlo sugatan kabilang ang asawa ng suspek
Mike Manalaysay March 30, 2025 at 09:50 PM
ANTIPOLO CITY — Nasa kritikal na kondisyon ang isang lalaki matapos siyang barilin sa gitna ng pakikipagsuntukan niya sa suspek sa Barangay San Jose, Antipolo City, nitong Linggo, Marso 30. Nasugatan din sa insidente ang tatlong iba pa kabilang ang asawa ng suspek.
Ayon sa pulisya ng Antipolo, kinilala ang suspek na si “Kenneth,” 28 taong gulang na negosyante. Nahuli siya sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya ilang minuto matapos ang pamamaril.
Apat na tao ang tinamaan sa pamamaril. Nasa kritikal na kondisyon ang rider na nakasuntukan ng suspek dahil sa tama ng bala sa ulo. Tinamaan naman sa kanang braso ang kanyang anak. Nabaril din ng suspek ang kanyang live-in partner na nagtamo ng sugat sa hita. Isang bystander naman ang tinamaan sa dibdib.
Batay sa isang viral video makikita ang lalaking nakasuot ng puting t-shirt na nakikipagsuntukan sa dalawang lalaking nakahelmet.

Sa ikalawang video naman, mapapanood na sa kalagitnaan ng suntukan, bumunot ng baril ang lalaking nakaputi at nagpaputok ng ilang beses. Agad bumagsak ang isang lalaki na nakasuot ng helmet na nasa harapan niya. Nabaril din ng suspek ang kanyang live-in partner. Binuhat siya at isinakay sa isang itim na SUV. Makikita rin na inilipat ng suspek ang nakahandusay na lalaki para makadaan ang kanyang sasakyan at saka siya umalis.

Ayon kay PLt. Col. Ryan Manongdo, chief of police ng Antipolo City, nagkagitgitan sa kalsada ang isang grupo ng rider at ang sasakyan ng suspek. At ito ang pinagmulan ng gulo.
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong multiple frustrated homicide at paglabag sa election gun ban.
đź“· Screenshot from PLt.Col. Ryan Manongdo’s video and contributed video