| Contact Us

Private school students, bagsak sa Math at Science dahil sa pandemic, ayon sa study

Sonny Fernandez March 15, 2023 at 02:28 PM

Dumanas ng tinatawag na learning loss ang mga estudyante sa private elementary at high schools sa panahon ng pandemic.

Ito’y batay sa kauna-unahang Philippine Assessment for Learning Loss Solutions (PALLS) na isinagawa ng University of San Carlos at Thames International School nung huling quarter ng 2022.

Kinapos sa passing grade na 60% na itinakda ng Department of Education ang average test scores ng lahat ng 3,600 Grades1 to 12 na sumailalim sa assessment.

Nakakuha lamang ng 54.1% sa Science at 47.5% naman sa Mathematics ang mga estudyante mula sa 18 private schools sa buong bansa.

Sa English lang nakatawid ang mga bata na nakaiskor ng average 61.5%.

Sumagot ang mga estudyante sa 75 items ng multiple choice sa tatlong core subjects sa nauna nilang grade level.

Si Dean Richard Jugar ng USC School of Education ang nagpresenta ng resulta sa Catholic Educational Association of the Philippinee nung March 8.

Ayon kay Jugar, lumabas sa assessment na habang tumatanda ang bata, bumababa naman ang resulta at habang tumataas ang grade level, bumababa ang average assessment scores ng mga estudyante.

Ibig sabihin, malala ang epekto ng mahabang tigil eskwela nung pandemic sa mga learner ng Grades 4 to 12, ayon kay Jugar.

Paliwanag ni Jugar ang learning losses ay ang partikular o pangkalahatang kabawasan sa kaalaman at kasanayan o paatras na pagkakatuto, dulot ng matagal na paghinto sa pag-aaral ng mga estudyante.

Nung 2020, na-adjust ang pasukan mula June to August pero pinalawig ito hanggang October kung kelan nagsimula ang pasukan.

Kasama rin sa disruption sa pag-aaral ng mga estudyante nung pandemic sa online classes ang mahinang internet o mas malala pa rito, walang internet sa ibang lugar.

Binigyan diin ni Thames International School President Joel Santos, na ang ginawang assessment ay “unang hakbang tungo sa paglulutas ng problema ng learning loss.”

Nangangamba naman si USC President Fr. Narciso Cellan Jr. na “magdulot ng malaking kabawasan sa productivity at epekto sa ekonomiya” ang learning losses.

Ayon kay Fr. Cellan, umaasa sila na sa pamamagitan ng assessment initiative na ito, may mga grupo at indibiduwal ang makikipagtulungan sa amin sa pagbalangkas ng intervention programs para maampat ang learning loss at gawin itong learning boost.”

Inirekomenda nila ang regular na assessment kasama ang suporta sa mga guro para ” agarang matukoy ang detalye ng learning loss, personalized teaching at accelerated learning para sa bawat learner.”

Kasama rin sa rekomendasyon ang remediation program gamit ang teknolohiya, TV at online, pag-upgrade sa skills ng mga guro at pag-recruit ng mga tutor at pagsasanay sa kanila.

Ang PALLS ang kauna-unahang learning loss assessment sa Southeast Asia.

Nung Enero sa kanyang Basic Education Report 2023, kinilala ni Education Secretary Sara Duterte ang seryosong problema sa sistema ng edukasyon.

Inamin ni Duterte na sadyang “nakapanlulumo at nakaaalarma bilang ina at bilang kalihim” ang resulta ng 2018 Programme for International Students Assessment (PISA).

Lumabas sa assessment na kulelat ang Pilipinas sa 79 bansa pagdating sa reading at pangalawa sa kulelat sa science at math.

Tututukan daw ng DepEd ang literacy ng mga bata.

Nirerepaso na rin daw nila ang K-12 curriculum.

Paniwala ni Duterte, “Mas makakagawa tayo ng higit pa rito. Mas magaling pa tayo kesa rito. Ang mga ganitong pag-aaral o assessment ay mga pagkakataon para mas maeksamen ang ating sistema at mga depekto na nakasisira sa mga kakayahan ng ating mga estudyante.”

Dagdag pa niya, “ang kasalukuyang estado ng basic education ay kailangan ng matapang na paninindigan at sama-samang trabahuin na may intensyon at commitment na maresolba ang mga hamon sa sistema ng edukasyon.”

Kelan lang ay binatikos si Duterte dahil mas inaatupag pa raw niya ang paglaan ng budget para sa intelligence work sa mga eskwelahan at pagtutulak na ibalik ang ROTC sa mga kolehiyo.

END

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 56 Last