Sec. Gadon binatikos sa pahayag na haka-haka lang ang kahirapan sa bansa
Reggie Vizmanos May 20, 2024 at 06:24 PM
Binatikos ng mga netizens si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon dahil sa pahayag niya na haka-haka lang ang sinasabing paghihirap ng maraming tao sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing ng pamahalaan, sinabi ni Gadon na, “Iyang mga nagsasabi na napakahirap ng buhay ngayon ay sila lang ang nagsasabi niyan, haka-haka lang nila ‘yan.”
“Pero ang katotohanan, magpunta ka sa mga mall, punong-puno. Pumunta ka kahit sa mga probinsya, yung mga branches ng fast food chains, punong-puno. Ibig sabihin, mataas ang purchasing power ng mga Pilipino. Lumabas ka ng kalsada, napakaraming bagong kotse, napaka-traffic. Anong ibig sabihin niyan? Maraming nakakabili ng kotse, which means maganda ang ekonomiya,” dagdag pa ni Gadon.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong March 2024 tungkol sa kahirapan ay lumabas na 46 porsyento ng mga pamilya sa bansa ang nagsabing sila ay mahirap o “poor,” 33 porsyento ang nagsabing nasa borderline o nasa laylayan na sila ng kahirapan, at 23 porsyento ang nagsabing hindi sila mahirap.





Ang 46 porsyento na nagsabing mahirap sila ay katumbas ng 12.9 milyong pamilyang Pilipino.
Pinakamarami umano sa mga nagsabing mahirap sila ay mga taga-Visayas region, kasunod ang Mindanao at pangatlo ang Luzon, pati ang Metro Manila.
Sa survey din ng SWS noong March 21-25, 2024 tungkol sa kagutuman, lumabas na 14.2 porsyento ng mga pamilya sa bansa ang nakaranas ng gutom o involuntary hunger, 12.2 porsyento ang nakaranas ng “moderate hunger,” at 2 porsyento ang dumanas ng “severe hunger” o matinding gutom.
Sa kategorya ng SWS survey, ang involuntary hunger ay nangangahulugang nagugutom ang isang tao pero wala siyang available na pagkain at wala rin siyang pambili ng pagkain at dinanas niya ito ng at least isang beses sa nakaraang tatlong buwan. Ang moderate hunger ay nangangahulugang dumanas ng gutom paminsan-minsan. Ang severe hunger naman ay nangangahulugang dumanas ng gutom nang madalas o maraming beses sa nakaraang tatlong buwan.
Maraming netizens ang umalma sa pahayag ni Gadon.
Sa ulat ng ABS-CBN news tungkol sa naturang pahayag ng kalihim ay nag-comment ang netizen na si Erica T. Q. na, “It’s easy to say when you’re not experiencing it.”
Ayon naman kay Jose Carlo L., “The moment u dont accept and realize that there is a problem, you will never solve it.”
Dagdag ni Sharon C., “Labas labas kc ng comfort zone nyo sir para makita nyo ang tunay na kalagayan ng bansa.”
Giit naman ni Cynthia B. C., “Denial King, how can you help solve the issue kung ganyan ang pananaw mo?”
Halos puro negatibo rin ang mga komento ng mga netizens kay Gadon sa ginawang ulat ng iba pang news outlets tungkol sa sinabi ng kalihim. May maaanghang ang puna sa kaniya, may nagsasabing hindi siya nararapat sa kaniyang posisyon, at mayroon ding pinagtatawanan na lang siya.
Sabi ng netizen na si Erlinehar H., “My gid, gilagid! Where have you been all this time? I can tour you around some areas where you can see for yourself whether or not poverty is imaginary or bold, stark, gigantic reality. Ganyan na ba ka out of this world mga mayayaman that you can’t see and know the reality about poverty. It’s existing eversince my world begun.”
Dagdag ni Lorenz B., “Hindi ko alam bat nag kakaroon pa dn ng exposure at posisyon itong aroganteng ito. Peddler of fake news ever since.”
Ayon naman kay Arnel Molar, “Hahaha nalang sayo boss.”
📷 Atty. Larry Gadon 2022 FB, Screenshot from