SPECIAL REPORT Panganib sa tumataas na demand sa nickel
Sonny Fernandez January 6, 2024 at 03:39 PMBy 2030, ang global demand sa nickel ay lolobo sa 6.2 million tons o 44% ng 2022 demand base sa estima ng Brazilian mining company, Vale, September 2022.
Bunsod ito ng tumataas na konsumo ng nickel para sa solar panels, metal sa lithium-ion batteries ng electric vehicles na dumarami ang production sa China, US at Europe, at iba pang clean energy uses.
Importanteng component din ang nickel sa traditional applications tulad ng stainless steel fabrication na tumataas din ang konsumo dahil nagsusulputan ang smart cities sa buong mundo na nagtatayo ng mga building at infrastructure.
Mas matigas kasi ang nickel kesa sa ordinaryong bakal, heat at electric conductor at hindi basta nabubulok kaya ina-alloy o hinahalo ito sa paggawa ng iba-iba ring metal para sa maraming technology.
Halimbawa, ang pinagsamang nickel at chrome o nichrome ay gamit sa mga oven at grills.
Ang combo ng nickel at iba pang metal ay gamit sa boat propeller shafts at turbine blades, gas turbines, rocket engines sa aeronautics, sangkap sa paggawa ng coins at kung mapapansin ninyo ang mga salamin sa mesa ay color green ang gilid dahil hinaluan ito ng nickel.
Maski ang mga pagkain ay merong nickel? Gamit yan sa vegetable oils at essential element sa beans.
Fun facts:
Matatagpuan din ang nickel sa internal electronics ng laptops, tablets at metal casing ng hawak nyong cellphone at maging sa kitchen appliances tulad ng kaserola, pots and pans na stainless steel.
Sa datos ng US Geological Survey na inilabas early this year, ang global production ng nickel ay umabot sa 3.3 million metric tons (mts) nung 2022, 21% na mataas kumpara sa 2.73 million mts nung 2021.
Ayon sa International Nickel Study Group, April 24-25, 2023, China ang kumonsumo ng 59.2% ng nickel na yan.
China ang number one consumer o importer ng Nickel na kailangan nila sa lumalagong merkado sa EVs at smart cities.
Ayon sa EV Volumes nitong June 2023, ang world sales ng electric vehicles ay umakyat ng 55% o 10.5 million nung 2022.
Sa report ng S&P Global Market Intelligence, September 13, 2023, nananatiling number two world producer ng nickel ang Pilipinas na may kabuuang 360,000 tons nung 2022 o 11 percent ng global supply.
Ayon naman sa Investing News, malayong number one producer pa rin ang Indonesia na nakapagmina ng 1.6 million tons habang pangatlo ang Russia na may 220,000 tons.
Sa datos ng Mines and Geosciences Bureau, March 8, tumaas ang metal production sa bansa sa P238.05 billion o 31.73 percent na mas mataas sa P180.71 billion nung 2021.
Halos kalahati nito, o 49.39 percent ay nickel na nagkakahalaga ng P117.58 billion.
Pangalawa ang gold at pangatlo ang copper.
Kaya para sa industry players sa bansa, magandang pagkakataon ito para magtulungan ang pribadong sektor at gobyerno na makaakit pa ng malalaking investor at lalo pang mapaunlad ang nickel industry.
Sa statement nitong July, sinabi ng presidente ng Philippine Nickel Industry Association na si Dante Bravo, ang total current value ng puhunan sa EV industry pa lang ay umaabot na sa $300 billion at lalaki pa sa $1 trillion sa susunod na limang taon.
Dagdag pa niya, meron lang 34 nickel mines sa Pilipinas at dalawang nickel processing plants na full blast ang operations.
Inemphasize ni Bravo, ang clean energy at smart cities ay hindi maitatayo kung walang nickel.
Sa report ng Bloomberg, September 21, dalawa sa higanteng nickel producers sa Pilipinas, ang Nickel Asia at Global Ferronickel ang nagbabalak mag-expand at magbuhos ng $2 billion para sa bagong nickel processing plants.
Sa kabila ng kaunlaran na hatid ng nickel mining sa bansa, may mabigat na balik ito sa kalikasan.
Ayon mismo sa report ng Investing News, may “serious environmental concerns” ang pagmimina ng nickel tulad ng “air and water pollution, habitat destruction, community displacement, wildlife migration pattern disturbances, greenhouse gas emissions at carbon-intensive energy use.
Wala nang higit na magpapatunay nyan kundi ang mayaman bagama’t nakalulungkot na karanasan ng Pilipinas sa mga minahan.
Nito lang August 15, nagbaba ng Writ of Kalikasan laban sa Celestial Nickel Mining and Exploration, Ipilan Nickel at DENR patungkol sa mining operations na apektado ang mayamang kabundukan ng Mt Mantalingahan sa Brooke’s Point, Palawan.
Ang Celestial Mining ang binigyan ng 25-year mineral agreement pero ang kanilang designated operator ay Ipilan Nickel Corp.
Ang Writ of Kalikasan ay legal remedy ng isang tao para protektahan ang karapatan niya sa isang balanse at malusog na kapaligiran.
Pilipinas lang ang may Writ of Kalikasan sa buong mundo.
Ayon sa SC, ang mining operations sa Mt Mantalingahan ay maaaring magdulot ng panghabambuhay na pagkawasak sa protected area at sa komunidad ng mga katutubo at kanilang ancestral domain.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng Ipilan Mining na nirerespeto ng patakarang nagtatakda sa Mantalingahan bilang protected area ang naunang mining contracts.
Dahil dito, iniiwasan daw ng Ipilan Mining na mag-operate sa mga lugar na sakop ng protected mountain range.
“INC remains actively engaged with all stakeholders, seeking resolution of the prevailing issue while adhering to the tenets of responsible mining,” dagdag pa ng kumpanya.
Nauna riyan, nitong June 29, naglabas ng Writ of Kalikasan ang Supreme Court laban sa Mines and Geosciences Bureau, DENR at Altai Philippines Mining Corporation (APMC) na pag-aari ng pamilya nina Sen. Win Gatchalian sa nickel mining nila sa Sibuyan Island, Romblon.
Sibuyan ang sinasabing “Galapagos of Asia” dahil sa mayaman at lumalago nitong biodiversity.
Matatandaang umabot pa sa pagbabarikada ang mga residente para pigilan ang pagmimina ng Altai na kanilang ipinaglalaban sa nagdaang may dalawang dekada.
Sa kanilang paid advertisement, dineny ng Altai lahat ng “malicious allegations” laban sa kumpanya.
“We are not illegal mining operators” pagtatanggi ng Altai. Bilang patunay sinabi ng Altai na may hawak silang “valid at subsisting Mineral Production Sharing Agreement (MPSA)”.
Hindi rin daw ito pag-aari at kontrolado ng sinumang political personalities.
Noong 2017, ipinasara ng yumaong DENR Secretary Gina Lopez ang 23 sa 41 nickel ore mining dahil napatunayan sa inventory o assessment na kanilang ginawa na nilabag ng mga kumpanya ang maraming environmental at administrative laws.
Lima naman ang pinasuspindi ang operasyon kasama ang BenguetCorp Nickel Mines.
Kasama sa pinasara ang Wellex Mining sa Libjo at Tubajon, Dinagat Islands, na pag-aari rin ng pamilya nina Senator Win Gatchalian na ayon sa DENR ay sinuspindi ang Mineral Production-Sharing Agreement (MPSA) sa gobyerno.
Umapela ang Wellex sa DENR at sa documentation ng PCIJ, naglabas ng resolution ang DENR noong November 12, 2018 “partially granting Wellex’s motion for reconsideration on the 2017 cancellation order; suspending the operation of the firm; and directing it to do the following..”
Kasama sa recommendation na pinagtatanim sila ng puno kapalit ng mga pinutol na puno at pinagbabayad ng fines at penalties.
Isa naman sa nagmamay-ari ng Benguet Corp Nickel Mines ang ekonomistang si Bernardo Villegas na naging myembro ng 1987 constitutional commission at nasa board din ng 12 iba pang kumpanya.
Pinasinungalingan ng kumpanya ang mga alegasyon sa kanilang regulatory filing, February 2017, “We see no basis at all for the cancellation order and we will take all the necessary legal actions and exhaust all remedies available..”
Dagdag pa ng kumpanya, na ang kautusan ay “unjustifiable as it noted it is ISO certified.”
Pero binawi rin ni dating Presidente Digong Duterte ang mga closure order ni Lopez.
Nauna riyan, ipinatigil ni Lopez ang Nickel Asia nung July 22, 2016 sa hauling at shipping operations nito papuntang China mula sa Manicani Island, Leyte Gulf, Guian, Eastern Samar.
Sa kanilang inventory, maraming hinakot na lupa kasama ang ore ang Nickel Asia.
Sabi ni Lopez noon, nakapag-deliver na ang Nickel Asia ng may 400,000 tons ng nickel sa hiwa-hiwalay na batches mula Manicani patungong China.
Malaki rin ang naapektuhan ng Nickel Asia operations sa Rio Tuba Mine na tumawid sa halos four square miles ng rainforest ng Palawan.
Sa isang project partnership investigation ng Philippine Center for Investigative Journalism at NBC News, nadiskubre nila na may nickel galing Pilipinas ang napupunta sa Panasonic para gawing baterya sa electric vehicles na ang iba ay napupunta naman at gamit sa Tesla electric vehicles.
Sabi pa sa report, ang wastewater ng minahan ay tumatagas sa mga ilog at iba pang waterways na umaabot sa mga taniman at nailalagay sa panganib ang food production ng komunidad.
Napag-alaman din na contaminated ng mataas na bilang ng hexavalent chromium ang Togpon River at Kinurong Creek, base sa water sample tests.
Ang hexavalent ay toxic substance na carcinogenic o nakaka-cancer.
Itinanggi yan ng kumpanya dahil maayos daw ang kanilang pamamahala ng runoff pero inamin nila na nakaaapekto ang mining operations sa kapaligiran at ang teknolohiya naman ay may balik talaga sa kalikasan.
Ang Global Ferronickel Holdings naman, sinampahan ng kasong kriminal ng mismong mayor ng Brooke’s Point, Palawan nung August, 2017.
Sabi ni Mayor Mary Jean Feliciano, lumabag sa Presidential Decree 1829 o Obstruction of Apprehension dahil hindi sila pinapapasok para inspeksyunin ang site na hinihinalang nagpuputol ng mga puno.
Sinimulan na kasi ng kumpanya ang paggawa ng kalsada para sa kanilang Ipilan Mine.
December 2016 nang sinuspindi ang Environmental Compliance Certificate o ECC ng Global Ferronickel na ang presidente ay mismong si Dante Bravo na pangulo rin ng PNIA.
Itinanggi ni Bravo na may nilalabag silang batas pero ayaw nilang papasukin ang LGU inspector at ito ay maaaring dahil ayon kay Bravo, hindi sila sakop ng local government.
January 2017, sinabi ng DENR na ang ECC ng Ipilan Mines ay expired na.
Kung meron mang magpapabilis sa paggamit ng electric vehicles sa buong mundo, ito’y walang iba kundi ang makasaysayang kasunduan ng Conference of the Parties (COP) 28th edition, na ginanap sa Dubai, United Arab Emirates (UAE) nitong December 13.
Ang COP ay mga bansang pumirma sa United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) – isang treaty na ipinatupad, 1994.
Layon nitong bawasan ang pollution o carbon emissions na nagpapalala ng klima at sumisira ng kalikasan.
Matapos ang 28 taong international climate negotiations, ipinagmamalaki ng 150 bansang pumirma na ang kasunduan ay unang nagkakaisang hakbang ng “beginning of the end” ng fossil fuel era.
Sa pagsusuma, maaaring zero emissions ang ino-offer ng electric vehicles, pagtatayo ng megacities at clean technology pero ang pagmimina ng mahahalagang sangkap nito ay mapanira sa kalikasan.
Malawak na lupain ang wawasakin para makuha ang raw nickel.
Damay ang iba-ibang uri ng hayop at halaman.
Ang Sibuyan ay sinasabing “Galapagos” ng Asia dahil sa mayamang biodiversity nito
Kokonsumo rin ng tone-toneladang tubig o less than 25 hanggang 2,000 gallons ng tubig kada minuto, as in kada minuto, depende sa location ng site at mining activity.
Pati ang kalusugan, kabuhayan at paninirahan ng mga mamamayan ay nasisira ng nickel mining.
Maski ang lithium ay limitado ang supply kaya may question sa sustainability nito.
Para makagawa at maihatid ang clean technology tulad ng electric vehicles, gumamit ang mga ito ng dirty energy tulad ng krudo at sa iba ay coal, na nagpo-pollute ng hangin, para mabuo ang lithium-ion battery mula sa mga hinukay na minahan.
Sa ganyang sistema, nabalewala ang gamit ng EV dahil sa mapaminsalang dinaanan para makagawa nito.
Bawat bateryang hindi magbubuga ng lason sa hangin ay katumbas naman ng pagkawasak ng kabuhayan at pagdumi ng hangin na ibinuga para makuha ang raw nickel.
Maganda ang hangarin ng COP28 Dubai agreement at siguradong sosolusyunan din ng lahat ng apektado ang mahahalagang problema at issue laban sa nickel mining.
Pero sa pagpapatupad nyan sa antas ng pambansa, probinsya hanggang siyudad at mga barangay, ano ang garantiya na:
- susundin ito ng mga minahan kung ang mga lider ng samahan ng mga kumpanya sa industriya ay nasasangkot din sa mga paglabag sa batas?
- hindi nilulusutan ng mga mining firm ang mga environmental law, hindi niloloko ang mga tao at hindi nakikipagsabwatan sa gobyerno para magpatuloy sa operasyon?
- ang mga gumagawa ng batas na may-ari rin ng mga kumpanya ay hindi gagamitin ang impluwensya at susundin ang mga batas kahit masagasaan pa ang kanilang empresa at multi-milyon na tutubuin?
- na ang mga presidente ng bansa ay hindi babawiin ang mga closure order laban sa violating firms tulad ng ginawa ni Duterte sa mga desisyon ni dating DENR Sec Gina Lopez?
Sa bandang huli, ang pagkakaisa, determinasyon, pagkilos at pagiging malikhain ng mamamayan na pigilan ang pagkawasak ng kalikasan ang mapagpasya sa hahantungan ng COP 28 agreement.
*Larawan ng Ipilan Mining
Photo: Global Ferronickel Holdings