TVJ tunay na may-ari ng Eat Bulaga trademark, ayon sa IPO
Reggie Vizmanos December 5, 2023 at 10:54 PM EntertainmentKinansela ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPhl) ang registration ng trademark ng Television and Production Exponents, Inc. (TAPE, Inc.) para sa mga pangalang “Eat Bulaga” at “EB.”
Sa inilabas nitong desisyon na may petsang Disyembre 4, 2023, pinaboran ng IPOPhl Bureau of Legal Affairs ang posisyon ng mga dating host ng “Eat Bulaga” na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon o TVJ, na sila ang tunay na may-ari ng “Eat Bulaga” trademark.
Sinabi ng IPOPhl na kabilang sa pinagbatayan nila ng desisyon ang testimonya at paliwanag nina TVJ hinggil sa pinagmulan ng Eat Bulaga bilang pangalan ng programa sa telebisyon.
Base sa desisyon ng IPOPHL, na isinulat ni BLA Adjudication Officer Atty. Josephine Alon, “The petitioners proved that it is the originator and owner of the contested EAT BULAGA mark. Petitioners’ explanation or story on how initially the idea of the EAT BULAGA mark came about did seem believable and credible.” (Napatunayan ng mga petitioner na sila ang may-ari ng pinagtatalunang Eat Bulaga trademark. Ang paliwanag at kuwento ng mga petitioner kung paano nila naisip ang pangalang Eat Bulaga ay kapani-paniwala).
Pinaninindigan nina TVJ na sila ang tunay na may-ari ng Eat Bulaga trademark dahil si Joey de Leon anila ang nakaisip ng pangalang Eat Bulaga pati na ang logo nito, habang ang theme song naman nito ay gawa ni Vic Sotto at ang kanyang grupo.
Matatandaan na umalis sina TVJ sa Eat Bulaga noong Mayo 31, 2023, dahil sa di-pagkakaunawaan sa kanilang home studio na TAPE, na noon ay mayroon pang kontrata sa GMA Network. Lumipat ang TVJ kasama ang kanilang mga co-hosts sa TV5, na nag-alok naman sa kanila ng orihinal nilang timeslot sa tanghali. Ginamit nila ang bagong pangalang “EAT.”
Binago naman noon ng TAPE ang programang “Eat Bulaga” sa GMA, at kumuha ito ng bagong mga hosts bagama’t ginamit pa rin nito ang sikat na format ng programa. Dahil dito ay naghain sina TVJ ng reklamong paglabag sa copyright law at unfair competition laban sa TAPE at GMA sa Marikina Regional Trial Court. Ang usaping ito ay nagpapatuloy pa hanggang sa kasalukuyan.
Paulit-ulit ding sinasabi ni Tito Sotto sa mga interview na bagama’t ang Production Specialists ang nagpondo sa programa, sina TVJ at Tony Tuviera naman ang nag-isip at nagpatakbo ng programa partikular sa panahon na nagpapakilala pa lang ito sa publiko.
Nilinaw rin niya na ang paggamit sa pangalan at logo ng “Eat Bulaga,” pati ang tugtog, mga segments, at pag-ere ng mga replay episodes ng orihinal na “Eat Bulaga” sa binagong programa sa GMA ay hindi inihingi ng pahintulot sa TVJ.
Sinabi ni Tito Sotto sa interview sa kaniya ng entertainment host na si Nelson Canlas noong Abril, “In 1979, Production Specialists was owned by Romy Jalosjos. So they funded the initial ‘Eat Bulaga’ in RPN-9… Pagdating ng July 1980, wiped out ‘yun. Talong talo ng Channel 7, because Channel 7… GMA had ‘Student Canteen.’ Hirap na hirap kami.”
Saad pa niya sa interview sa CNN, “After all these years, 44 years, hindi naman sila nakikialam sa amin, e.g., [for example] it was Tony Tuviera who was coordinating with us the whole time. It was Tony Tuviera na kausap namin. Lahat ng production, lahat ng ginagawa namin du’n, kami-kami ‘yon.”
Giit pa ni Tito Sotto, “Tape Inc. has absolutely no right to celebrate 44 years. They existed only in 1981. They did not exist in 1979. EB ceased to be EB when TVJ left them.” (Ang TAPE Inc. ay walang karapatang magdiwang ng 44 taon [ng anibersaryo]. Noong 1981 lang sila nabuhay. Wala pa sila noong 1979. Ang Eat Bulaga ay nahinto na sa pagiging Eat Bulaga noong umalis na ang TVJ.)
Maituturing umano na maagang pamaskong biyaya ang desisyon ng IPOPhl, sabi ni Atty. Enrique dela Cruz, abogado nina Tito, Vic, and Joey at ni dating Eat Bulaga executive Jenny Ferre.
Ayon kay Atty. dela Cruz, “We thank God for this early Christmas blessing. Maagang pamasko ito… The decision underscores a very important concept in trademark law. Registration of a mark does not vest ownership over the mark. It is ownership that gives the right to register it. Hindi unahan na mag rehistro ang laban sa trademark. Kung sino ang tunay na may ari at may likha, sya ang may karapatan na magpa rehistro.”
Bilang nagsimula at maylikha ng “Eat Bulaga” trademark, sina TVJ ang may karapatan ayon sa batas tungkol sa trademark, ani dela Cruz.
Hindi rin umano alam nina TVJ ang ginawang pagpaparehitro ng TAPE Inc. sa IPOPhl ng maraming trademarks, kabilang ang “Eat Bulaga” at “EB.” Pero napansin nina TVJ na ang mga trademark na ito ay ipinarehistro lamang makaraan ang 33 taon mula nang nabuo ang Eat Bulaga noong 1979.
Hindi rin daw kasama sa registration ang “entertainer and entertainment services, music education, organization of competition, at iba pa,” kaya nangangahulugan na ang TAPE registration ay hindi hadlang upang gamitin nina TVJ ang kanilang karapatan sa pangalang Eat Bulaga dahil hindi naman magkaugnay ang tinatawag na ‘goods’ subject ng trademark sa inihahandog ng trio.
Noong Agosto ay ni-renew ng IPOPhl ang registration ng TAPE, Inc. para sa “Eat Bulaga” trademark ng panibagong 10 taon. Pero ayon sa mga abogado nina TVJ, ang naturang renewal ay “ministerial” lang o pagganap lang ng ahensya sa tungkulin nito bilang isang opisina ng pamahalaan.
Pagbibigay-diin ni Atty dela Cruz, “TVJ is ‘Eat Bulaga’ and ‘Eat Bulaga’ is TVJ.” (Ang TVJ ay Eat Bulaga at ang Eat Bulaga ay TVJ).
Photo: TVJ FB