Nasawi sa gitna ng ayuda: Lalaki inatake habang nasa ECT payout sa Bulacan
Paulo Gaborni July 14, 2025 at 01:11 PM
MALOLOS, Bulacan — Isang lalaki ang nasawi habang isinasagawa ang pamamahagi ng Emergency Cash Transfer (ECT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Bulacan Capitol Gymnasium nitong Sabado.
Kinilala ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang biktima na si Walfredo Ople Catajan, Jr., residente ng Barangay Sto. Niño, Hagonoy, Bulacan.
Ayon sa ulat ng mga responder, bandang alas-10:40 ng umaga ay bigla umanong nakaramdam ng paninikip ng dibdib at panghihina si Catajan habang nakaupo sa priority lane ng gymnasium. Agad siyang isinugod sa Bulacan Medical Center (BMC) kung saan isinailalim siya sa cardiopulmonary resuscitation (CPR), suction, intubation, at iba pang emergency procedures.
Sa kabila ng agarang lunas, idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor sa ganap na 11:05 ng umaga.
Ayon kay Dr. Cris Carlo Pedrosa, Internal Medicine Specialist ng BMC, acute coronary syndrome ang naging sanhi ng pagkamatay ni Catajan. Sa panayam naman sa kaniyang kapatid, napag-alamang may dati na siyang kondisyon sa puso.
Sa isang opisyal na pahayag, ipinahayag ng PSWDO at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang kanilang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng nasawi.
“Tunay pong nakalulumbay at walang may kagustuhan sa hindi inaasahang pangyayaring ito. Ang tanging layunin ng ating mga programa ay agarang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng ating mga kababayan, lalo na ang mga kapus-palad,” pahayag ng PSWDO.
Dagdag pa rito, tiniyak ng ahensiya na lalo pang paiigtingin ang mga hakbang sa kaligtasan at pagbibigay ng gabay sa mga benepisyaryo at mga kawani ng ECT upang maiwasan ang katulad na insidente sa hinaharap.
Jonjon Matawaran