Pagsusuri sa Trese ng Netflix: biswal na representasyon, pag-angkin ng kultura, at marami pang iba
Gabbie Natividad June 17, 2021 at 02:52 PM EntertainmentSa kasikatan ng anime at iba pang uri ng animation na nagmula sa mga banyaga, nakakatuwang isipin na mayroon na ring panlaban ang Pilipinas sa larangang ito. Hindi man ito ang unang pagtatangka ng bansa, maituturing pa rin ito na isang ground-breaking na pangyayari para sa bansa lalo na sa larangan ng sining.
Bilang isang batang lumaki sa panonood ng cartoons tuwing hapon, alam ko na malaki ang maitutulong ng isang palabas na sariling atin para sa mga lumalaking kabataan sa panahon ngayon.
Tungkol saan ba ang Trese?
Ang Trese ay tungkol sa pakikipagsapalaran ni Alexandra Trese sa pagiging lakan o “tulay” sa sangkatauhan at sa mga nilalang ng mahika. Siya ang itinalaga na maging tagapag-panatili ng balanse mula sa dalawang mundong ito.
Kasama ang katiwala ng kanyang namayapang ama na si Hank, mga inampon niyang kapatid na sina Crispin at Basilio, pulis na si Captain Guerrero, ay patuloy na binabaybay ni Alexandra Trese ang magulong mundo na kanyang sinumpaang protektahan anuman ang mangyari.
Pinagmulan
Nagsimula ang Trese sa komiks na isinulat ni Budjette Tan at iginuhit ni Kajo Baldisimo. Ito ay unang inilunsad ng Alamat Comics noong 2008, ayon sa Fandom Wiki. Sa kasalukuyan, ang komiks ay inilathala na sa lokal na publishing na Avenida Books at ng Ablaze Publishing naman sa internasyonal.
Pagsusuri sa Trese
Pangyayari o Istorya
Sa pagsubaybay ko sa animated na palabas na Trese, hindi ko maiwasang maintriga at maakit sa taglay nitong misteryo. Marami ang tanong na sisibol sa iyong isipan dahil sa iba’t ibang ginamit na elemento at makakatulong pa ang mga pamilyar na lugar na makikita mo.
Ang kwento naman ng Trese ay maayos ang paglalahad at tama lang ang pacing o bilis. Ang paggamit nito ng mga konteksto at simbolismo, mula sa paggamit ni Trese ng tansan, pangba-bribe ng Chocnut, pagsuot ng kambal ng maskarang puti na may nakangiti at nakasimangot, at marami pang iba ay tunay na nakakahalina.
Ang mga katagang “kakambal ng pagkawala ang kalungkutan” ay epektibo pero mukhang nagkulang ang palabas sa mas marami pang mapaglarong pakikipagtalastasan.
Lugar o Setting
Kadalasan nating napapagsawalang-bahala ang mga lugar sa Pilipinas katulad ng MRT, Guadalupe, at Balete Street ngunit dahil sa maganda at detalyadong pagguhit ng mga lugar na ito sa Trese ay mas lalo mo itong mapapahalagahan at marahil, ay mahihiwagaan ka na rin.
Mga karakter
Datapwat kulang sa “comedy relief” o mga nakakatawang tagpo sa mga paminsan na kawalan ng kambal na sina Crispin at Basilio sa eksena, maganda pa rin na maituturing ang palabas na ito lalo na dahil sa maayos na pagkaka-transition o pagkakalagay nito sa ibang medium mula sa kanyang pinanggalingan na komiks. Masasabi na rin na sila ang paborito kong mga karakter sa palabas. Sina Crispin at Basilio ay mga tauhan sa nobelang Noli Me Tangere ni Jose Rizal.
Ang bida namang si Alexandra ay may seryosong persona. Marahil dahil ito sa kanyang pagkakatalaga sa posisyon ng lakan at pagiging ika-anim na anak ng ika-anim na anak o dahil din sa mga nangyari sa kanya at kanyang pamilya kung kaya’t mayroon siyang ganitong disposisyon.
Kahit pa siya ang bida ng palabas, nahihirapan akong gustuhin ang karakter ni Alexandra sa ngayon. Hindi masyadong nabigyan ng pansin ang kanyang motivation at perspektibo datapwat sa huli, ay pinakita ang kanyang character growth o pagbabago para sa kanyang ikabubuti.
Si Captain Guerrero naman ay representasyon ng mabuting pulis sa bansa, samantalang si Hank naman ay isang matapat na tagasunod. Minsan, gumaganap rin sila bilang comedy relief.
Marami ring mga nilalang ng mahika ang may nakakainteres na disposisyon tulad ni Nuno, Tikbalang, at marami pang iba. Mayroon silang kanya-kanyang motivation at layunin na, matapos ang unang season, ay mas lalong nakakapukaw ng atensyon.
Kalidad ng Animation o Biswal na Adaptasyon
Kaakit-akit ang ibang pagguhit na makikita sa Trese ngunit aaminin ko na medyo na-disappoint ako sa animation ng palabas na ito. Hindi smooth ang paggalaw ng mga karakter at para bang ginawa ito sa tema ng animation noong 80’s.
May mga creative shots rin na labis kong nagustuhan ngunit sa aking palagay ay maraming namintis na oportunidad ang palabas sa larangang ito.
Pagsasabuhay ng mga karakter o Voice Acting
Dahil International ang palabas na ito, maraming lenggwahe ang ginagamit ng Trese para sa voice acting o pagsasabuhay sa mga animated na karakter. Sa Filipino, ang napiling lead voice actress ay si Liza Soberano.
Marami ang bumatikos sa artista dahil sa tila “monotonous” o walang emosyon na pag-tatagalog nito, ngunit mayroon rin namang mga pumanig sa artista at sinabing dahil lang ito sa pagiging “cool” o emotionless ng karakter ni Alexandra. Sa aking palagay, mayroong punto ang magkabilang panig. Kilalang englisera o “conyo” si Liza ngunit nakitaan ko naman siya ng pagmamahal at dedikasyon sa kanyang pagganap.
Ngunit kahit mahal ng artista ang kanyang pagganap, kapansin-pansin ang hirap ng aktres sa pag-adopt ng lengguwaheng ito.
Ang Hollywood actress na si Shay Mitchell naman ang gumanap bilang Alexandra sa English dub ng palabas. Natural ang pagganap ng aktres na ito sa kanyang karakter ngunit “conyo” pa rin siyang maituturing sa kanyang pagtatagalog (Tagalog ang mga magic spell sa Trese).
Ang iba pang cast ng palabas ay magaling rin sa kanilang mga pagganap. Ilan sa mga kilalang aktor na kasali sa pagsasabuhay ng mga karakter ng Trese ay sina Bryan Encarnacion, Nicole Scherzinger, Matthew Yang King, Jon Jon Briones at marami pang iba.
Konklusyon
Ang Trese ay isa sa mga karapat-dapat na abangan dahil sa nakakainteres nitong istorya at sa pagsisilbi nito bilang isang malaking hakbang para sa pag-unlad ng sining ng bansa. Bagamat hindi pa ganon ka-ayos ang smoothness ng movement o animation nito, marami pa ring elemento ng kwento na mahalaga at kalibang-libang.
Marahil ay magkaroon na rin ng kaalaman ang mundo ukol sa marikit na mitolohiya ng Pilipinas. Dahil dito, hindi malayong mas lumaganap na ang #FilipinoPride o ang mga proud Filipino sa kanilang sariling kultura.
Photo courtesy of Netflix