Putin, Duterte at ICC
Sonny Fernandez March 22, 2023 at 02:05 PMNiyanig ang mundo nung Friday March 17, 2023 ng balitang ipinaaaresto ng International Criminal Court (ICC) si Russia President Vladimir Putin sa hinalang war crimes.
Sa press release ng ICC sa kanilang website, sinasabing nakagawa sina Putin ng unlawful deportation ng mga bata mula sa Ukraine papuntang Russia. Nakabase ito sa Rome Statute Articles 8 (2)(a)(vii) at 8 (2)(b)(viii) at nangyari mula February 24, 2022.
Kasama ring ipinapahuli ang Russia Commissioner for Children’s Rights na si Maria Lvova-Belova sa parehong reklamo.
Social media was also abuzz kasi naglalagablab din sa init ang mga Pinoy sa balitang ipagpapatuloy na ng ICC ang preliminary investigation sa crimes against humanity laban sa dating Presidente Rodrigo Duterte.
Naging mas malapit ang diplomatic relation ng Pilipinas at Russia sa panahon ng Duterte admin nang bumatikos at dumistansya ito sa US at dumikit din pati sa China nang wala namang nahita.
Sa kaso ni Putin, marami ang nagtatanong – pwede ba yun, ipahuli si Putin kahit hindi member ang Russia sa ICC? Bakit biglaan yata, dumaan ba sa proseso? Paano siya huhuliin?
Nang tanungin ng Al Jazeera si ICC President Piotr Hofmanski – yes, ang sagot niya sa tanong. Batay sa (Rome) Statute, may legal obligation ang 123 state parties na makipagtulungan sa korte tulad ng pag-aresto sa tao bilang pagsunod sa inilabas na arrest warrant.
Paliwanag ni Hofmanski, may jurisdiction o karapatan ang ICC sa mga krimeng nangyari sa teritoryo ng isang state party o bansa na tinanggap ang jurisdiction ng ICC.
Pumirma ang Russia sa Rome Statute nung 2000 pero hindi ito ni-ratify kaya hindi naging miyembro hanggang nag-withdraw ito nung 2016.
Hindi naman naging member ng ICC ang Ukraine, pero dalawang beses nitong tinanggap ang ICC jurisdiction – nung 2014 at 2015.
Mukha lang nakabibigla pero dumaan din sa proseso ang reklamo vs Russia hindi lang siguro naging matunog noon.
Ayon sa ICC, 2014 pa lang ay inaalam na nila kung may posibleng war crimes sa Ukraine mula nang nagsimula ng preliminary investigation si Prosecutor Fatou Bensouda.
Pinalawig ni Bensouda ang imbestigasyon para saklawin ang mga hinihinalang krimen mula February 20, 2014 onwards. Pagdating ng 2020, nakumbinsi si Bensouda na may batayan para sabihing may mga krimeng naganap.
Hanggang buksan ng kasalukuyang ICC prosecutor, Karim Khan, na pumalit kay Bensouda, ang pagsisiyasat at isinama ang sinasabing invasion ng Russia sa Ukraine.
Pero hindi kinikilala ng Russia ang ICC dahil hindi sila miyembro nito. Sabi ng Russia spokesman Dmitry Peskov sa kanyang tweet nung Biyernes, “ang mga ganyang desisyon ay null at void para sa Russian Federation batay sa batas.”
Paniwala ni Khan, hindi na mahalaga dahil malinaw sa “Article 27 ng Rome Statute na anumang opisyal na posisyon ng indibidwal ay walang saysay sa jurisdiction ng korte. Katunayan, aniya, mula 39, umabot na sa 43 ang bansang nag-refer para alamin ang mga nangyayari sa Ukraine – mula Japan, Latin America, at Europe.”
Ibig sabihin, kapag si Putin ay bumisita sa isa 123 ICC-member states, aarestuhin siya at ite-turn over sa ICC. O kaya pwede siyang i-surrender mismo ng Russia kung gagawin nila ito.
Sa kanyang nightly address noon ding Biyernes, pinuri ni Ukraine President Volodymyr Zelensky ang desisyon ng ICC. Sa report ng CNN, sinabi ni Zelensky na mahigit “16,000 forced deportations ng mga bata sa Ukraine ang naitala. Pero ang totoong bilang ng deportees ay maaaring mas marami.”
Alam ng international community na ang sinasabing maramihang pagpapalikas at paglipat sa libo-libong bata sa Russian Federation ay hindi deportation kundi programa ng Putin administration para maproteksyunan ang mga batang naiipit sa bakbakan at mailayo sila sa kapahamakan.
Nitong Lunes, March 20, bumisita si China President Xi Jinping bilang suporta kay Putin na nagsabing bukas sila sa negosasyon sa Ukraine.
Makasaysayan ang aksyon ng ICC laban kay Putin.
First time na isasailalim sa trial ang pinuno ng isang superpower na bansa.
First time na ipinaaaresto ang isang permanent member ng UN Security Council.
Kakaiba ang kasong legal na ito dahil dalawang partido na hindi miyembro ng ICC ang sangkot sa imbestigasyon.
Para sa mga Pilipinong naging biktima ng tokhang killings, nagbigay ito ng malaking pag-asa sa kasong isinampa nila sa ICC laban sa dating pangulo.
Umabot sa 6, 252 ang naitalang namatay sa Oplan Tokhang o war on drugs sa rehimeng Duterte as of May 31, 2022. Hindi pa kasama riyan ang mga pinatay o biktima ng extrajudicial killings na tinataya ng Commission on Human Rights na umabot ng 27,000 nung 2018.
Noong April 24, 2017, naghain ng complaint ang Filipino lawyer na si Jude Sabio sa ICC laban kay Duterte para sa mass murder sa Pilipinas. Si Sabio ang lawyer ng self-confessed Davao Death Squad member na si Edgar Matobato na unang lumantad at itinuro si Duterte na nasa likod ng patayan sa Davao City bilang mayor.
Para patotohanan ito, nag-file nung June 6, 2017 ng supplemental complaint sina Senator Antonio Trillanes IV at Magdalo Rep. Gary Alejano sa ICC laban kay Duterte kaugnay pa rin ng patayan sa ilegal na droga.
At nung February 8, 2018, inanunsyo ni Bensouda na sinimulan na nila ang preliminary examination para alamin kung may sapat na ebidensya laban kay Duterte na saklaw ng jurisdiction ng korte.
Sa takot at pag-aakalang malulusutan ang kaso, inanunsyo ni Duterte nung March 14 na umatras na ang Pilipinas sa ICC pero ang nangyari nga, base na rin sa Rome Statute, isang taon ito bago naging effective.
Hindi na nga nakalusot, lumakas pa ang kaso laban kay Duterte nang nagsampa ng reklamo ang mga pamilya ng mga pinatay sa drug war nung August 28. Nagbuo sila ng grupo na tinawag na Rise Up for Life and for Rights at nanawagan sa ICC na isakdal hanggang parusahan si Duterte dahil sa libo-libong extrajudicial killings.
Pagdating ng September 15, 2021, inaprubahan ng ICC pre-trial chamber ang preliminary investigation sa war on drugs ni Duterte at sa patayan sa Davao City mula 2011 hanggang 2016.
Sa bisa ng Rome Statute, hiniling ng Duterte admin sa ICC nung November 10, 2021 na ipagpaliban ang imbestigasyon at kilalanin ang mga aksyon na ginagawa ng gobyerno para lutasin ang mga kaso na pinayagan naman ni Prosecutor Khan.
Makaraan ang pitong buwan nung June 24, 2022, hiniling ni Prosecutor Khan sa ICC pre-trial chamber na payagan silang ituloy ang imbestigasyon sa patayan sa ilalim ng Duterte drug war dahil wala namang kongkretong hakbang na ginawa ang mga otoridad sa Pilipinas sa mga kaso.
Kaya naman nitong January 26, 2023 pinayagan na uling ituloy ang preliminary investigation laban sa crimes against humanity of murder kay Duterte at iba pang kasabwat.
Mapapansing nagpapanic na naman ang gobyerno para pagtakpan ang extrajudicial killings at kupkupin ang hinihinalang kriminal na si Duterte kaugnay ng oplan tokhang.
Naglabas ng resolution ang kamara at senado na dinedepensahan si Duterte. Nagbanta si Presidential legal counsel Juan Ponce Enrile na ipadadakip nila ang sinumang ICC personnel na pupunta sa Pilipinas. Bumanat naman si Justice Secretary Crispin Remulla na nakakainsulto ang ginagawa ng ICC sa Pilipinas.
Bawa’t galaw ng ICC, nakabantay at may hirit pero malinaw na wala namang kagila-gilalas na aksyon ang Pilipinas para makumbinsi ang buong mundo na mabibigyan ng hustisya ang libo-libong biktima ng extrajudicial killings na nangyari sa panahon nina Duterte, Bato at iba pang kasama sa kaso.
Nandyan ang kumalas sa ICC, tapos gagamitin naman ang Rome Statute; may nagbabanta, may naiinsulto raw at congressional resolutions na ipinagtatanggol ang isa pang berdugo ng madugong post-martial law era.
Para kay Duterte at mga alipores niya, iisa ang ibig sabihin ng pagpapa-aresto ng ICC kay Putin: kung si Putin ay hindi sini-sino ng ICC, si Duterte pa kaya.
Malaki ang pagkakaiba nina Putin at Duterte at mga krimeng ibinibintang sa kanila.
Isanlibo’t isang pagdududa ang nakataklob sa war crimes vs Putin habang halos wala namang kwestyon sa crimes against humanity vs Duterte lalo na at buong mundo ang witness sa patayan at kapag sinasabi niyang ” if its drugs, shoot and kill” at katulad na mga salita na kino-consider ng ICC na state policy para atakihin ang mga sibilyan.
May bahid ang motibo sa mga akusasyon kina Putin. Halos lahat ng mga bansang sumuporta sa imbestigasyon sa Ukraine ay kaalyado ng US.
Nung pumutok ang military action ng Russia sa Ukraine, chorus line ang US at mga kaalyado nito sa pagkondena sa “Russian invasion of Ukraine,” at sa pamamagitan ng western media ay nababaling ang usapan sa mga kasamaan ng Russia.
Mula 2014 hanggang sa pagsisimula ng 2022, mahigit 14K na ang namatay sa paggiyera ng Ukraine sa Donbass na funded at trained ng CIA at US government sa Kiev at white supremacist forces na Azov Battalion.
Ayon sa Global Times, sa pag-aaral ng political scientist na si John Mearsheimer, nag-ugat ang Russia- Ukraine crisis sa NATO Bucharest noong April 2008 nang sabihin ng US na gagawin nilang miyembro ng NATO ang Georgia at Ukraine.
Malinaw pa lang noon na sinabi ng Russia na banta sa kanilang pag-iral ang plano ng US lalo’t malaking porsyento ng Ukrainians ay Russians. Banta dahil gustong palibutan ng US ang Russia ng mga kaalyado nito. Naging trigger ito para humakbang ang Russia at pigilan ito.
Bilang patunay sa plano ng US, nung January 2022, lumabas sa Yahoo News na sikretong nagsasanay ng mga pwersa ang Central Intelligence Agency (CIA) ng “elite Ukrainian special operations forces at intelligence personnel. Bumibiyahe pa ang CIA sa Eastern Ukraine para mag-advise sa counterpart nila sa Ukraine nung 2015.
Ang Azov Special Operations Detachment o Azov Battalion na isang Neo-Nazi military regiment na binubuo ng white supremacists, ay kalahok na pwersa ng Ukraine laban sa Russia.
Isa itong unit ng National Guard of Ukraine at sangkot sa iba-ibang terrorist attacks separatist incitements sa maraming bansa tulad ng Hong Kong riots nung 2019, ayon pa sa Global Times.
Noon ding 2015, sa report na inilabas ng The Nation nung January 2016, inalis na ng US Congress ang ban sa pagpopondo sa Neo-Nazi groups tulad ng Azov Battalion.
Nung December 2017, ibinunyag ng American weapons manufacturer na si Richard Vandiver sa Voice of America, na ang ibinenta nitong lethal weapons sa Ukraine ay mahigpit na koordinasyon ng US Embassy, State Department, Pentagon at Ukraine government.
Makaraan ang ilang linggo, kinumpirma ng Atlantic Council Digital Forensic Lab nung January 2018 ang report na ang recipient ng mga armas ay Azov Battalion.
Alam natin ang kapabilidad na meron ang US. Alam din natin na ang Russia at China ay may mga power – military at economic – agenda rin, pare-pareho silang kontra mamamayan at kontra demokrasya.
Ang point is, beterano pa rin talaga ang Amerika sa pagmamaniobra ng global politics pabor sa kanyang interes, panloloko sa mga kaalyado at pakikialam sa internal conflict ng maraming bansa.
Bukod sa Ukraine intervention ng US, marami ang nagtataka kung bakit walang US president ang kinakasuhan sa ICC gayung sila ang may pinakamahabang listahan ng military at political intervention sa maraming bansa sa Europe, Latin America at sa Indo-Pacific – sa Pilipinas.
Sariwa pa ang US invasion of Iraq na kinayag pa ang 28 na bansa para hindi siya mapuruhan sa batikos at magmukhang legit pero sulsol ng Amerika ang giyerang ito dahil meron daw “weapons of mass destruction” ang Iraq na wala namang nakuha.
So halimbawa, bakit walang nagdemanda sa ICC sa pangge-giyera ni US President George W. Bush sa Iraq?
Nandyan din ang US aggression sa Afghan War para raw labanan ang terorismo, nanghimasok din sila sa Libya, Syria at hanggang nitong 2021, nanggulo sa Mozambique.
Sa kasaysayan, sinasabing umabot ng halos 400 ang military interventions ng US mula 1776 hanggang 2019.
Sino nga ba ang Number 1 bansang terorista at nakalalayang makialam sa maraming bansa na dapat parusahan ng ICC ang mga lider?