1 patay, 44 sugatan sa pagbagsak ng balkonahe ng simbahan sa SJDM
Mon Lazaro February 14, 2024 at 05:30 PM📷 City of San Jose del Monte Public Information Office
LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan– Isa ang kumpirmadong namatay at 44 ang sugatan ng gumuho ang isang bahagi ng balkonahe ng St. Peter Apostle Parish Church sa Barangay Tungkong Mangga sa lungsod nitong araw ng Miyerkules.
Ayon kay Bryan Ocampo ng City of San Jose del Monte Public Information Office na kinumpirma ni Dr. Erbe Bugay, OIC Chief ng Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte, namatay sa naturang insidente si Luneta Morales, 80 taong gulang na miyembro umano ng choir ng nasabing simbahan.
Base sa ulat ng nasabing opisina, pasado alas siyete ng umaga sa kalagitnaan ng Ash Wednesday Mass nang gumuho ang bahagi ng ikalawang palapag ng naturang simbahan.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council gaya ng San Jose del Monte City Police Station, Bureau of Fire Protection, City Engineering Office, City Traffic Management – Sidewalk Clearing Operations Group, City Health Office, at City Disaster Risk Reduction Management Office.
Hanggang 9:35 ng umaga ng Miyerkules, 44 na ang naiulat na sugatan.
Nasa 24 ang isinugod sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte, siyam sa Tala Hospital, lima sa Brigino General Hospital, tatlo sa Skyline Hospital, dalawa sa Labpro Diagnostic Center at isa sa Grace General Hospital.
Samantala, personal na nagtungo si Mayor Arthur Robes sa lugar ng insidente upang i-assess ang sitwasyon at siniguro ng alkalde na ang lahat ng nasugatan sa aksidente ay madala sa pagamutan.
Sinagot na rin ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng San Jose del Monte ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng mga naging biktima ng aksidente.