11 tulak ng droga, 6 wanted person, at isang nagpaputok ng baril naaresto sa Bulacan
Mon Lazaro July 1, 2023 at 01:49 PMCAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Labing-isang pinaghihinalaang tulak ng droga, anim na pinaghahanap ng batas at isang ilegal na nagpaputok ng baril ang naaresto sa lalawigan ng Bulacan nitong nakaraang araw ng Huwebes.
Base sa ulat na nakarating kay Col. Relly Arnedo, Bulacan Police Director, ang mga pinaghihinalaang tulak ng droga ay nadakip sa serye ng buy-bust operations na isinagawa ng mga Station Drug Enforcement Units ng Guiguinto, Bulakan, Plaridel, Meycauayan, at Marilao Police Stations.
Kinilala ang mga suspek na sina Warren Pulumbarit, Jonathan Mendoza, Vember Magdao, Albert Villalba, Edrian Salas, John Rey Tumibay, Anndrian Soriano, Edward Santos, John John Gomez, Renz Lara, at John Luis Favillar.
Nakumpiska sa kanila ang 29 na plastic sachets ng pinaghihinalaang shabu, drug paraphernalia at marked money.
Ang anim na taong pinaghahanap ng batas ay naaresto naman sa magkakahiwalay na manhunt operations na isinagawa ng mga tracker teams ng 1st PMFC, San Ildefonso, San Jose Del Monte, Guiguinto, at San Rafael Police Stations.
Ang mga ito ay kinilala na sina Rowena Villafuerte, na naaresto sa Brgy. Tangos sa bayan ng Baliuag, dahil sa paglabag sa Bouncing Check Law; Mark Daniel Binarao, na naaresto sa Brgy. Mapulang Lupa, Pandi sa kasong rape; Jedanlo Garon naaresto sa Brgy. Iba, Meycauayan dahil sa paglabag sa Ecological Waste Management Act of 2002; Jason Zuñiga naaresto sa Brgy. Tiaong, Guiguinto dahil sa kasong pagnanakaw; Nandy Dela Cruz naaresto sa Brgy. Capihan, San Rafael dahil sa kasong attempted homicide; at Rodelio Landayan na naaresto sa Brgy. Tuktukan, Guiguinto dahil sa kasong pagnanakaw.
Inaresto naman dahil sa ilegal na pagpapaputok ng baril sa Brgy. Sto. Niño, Lungsod ng Baliuag, si Edgardo Dela Cruz alias Manto.
Nakumpiska sa kanya ang isang kalibreng .45 na baril na may serial number na 1498360, isang magazine na may walong bala at isang pouch na may 33 bala.
Photo: Bulacan Police Provincial Office