12 tonelada ng karne kinumpiska sa isang warehouse sa Meycauayan
Mon Lazaro July 14, 2023 at 04:56 PMTinatayang aabot sa 12 tonelada ng mga kaduda- dudang karne na nagkakahalaga ng P2.8 milyon ang kinumpiska ng mga otoridad sa isang warehouse sa Boston Street sa loob ng Meycauayan Industrial Subdivision, Barangay Pantoc sa lungsod na ito noong Huwebes ng umaga.
Matatandaan na may P35 milyong halaga ng mga spoiled meat products ang nakumpiska ng mga otoridad sa isang warehouse sa Atlanta Street sa nasabi ring subdivision nitong nakaraang araw ng Martes.
Kinumpirma ni Pia Ramirez-Delos Santos, city administrator ng Meycauayan, na ang umupa sa sinalakay na warehouse nitong araw ng Huwebes ay si Josephine Lim na isang Filipino national.
Base sa dokumentong hawak ng LGU ng Meycauayan, si Lim ay nag-aplay ng business permit pero hindi tuluyang naproseso dahil sa mga kulang na requirements.
Napag-alaman pa na nagpatuloy sa kanyang operasyon si Lim kahit wala siyang mga legal permits kaya nakipagtulungan ang Pamahalaang Lunsod ng Meycauayan sa pamamagitan ng city veterinarian at Business Permit Licensing Office nito sa Department of Agriculture at Bureau of Customs na nagresulta sa pagraid sa nasabing warehouse.
Ayon naman kay Lt. Col. Jordan Santiago, hepe ng Meycauayan City Police Station, ang mga nakumpiska at kinondenang karne ay susunugin sa isang lugar sa bayan ng Bustos.
Napag-alaman pa na mayroong mga karne ang hinango sa ibang bansa na mayroong mga kaso ng African Swine Fever.
Dahil dito dinoble rin ang pagbabantay ng Meycauyan LGU ng kanilang mga palengke para mabantayan ang pagkalat ng ASF.