12 years old aksidenteng nabaril ang sarili
Mike Manalaysay January 28, 2023 at 05:24 PMNasawi ang dose anyos na bata matapos na aksidente niyang mabaril ang kanyang sarili sa loob ng kanyang eskwelahan sa Barangay Muzon, San Jose del Monte, Bulacan noong umaga ng January 26.
Ayon sa ulat ng pulisya ng San Jose del Monte, binawian ng buhay ang bata dakong ala-una ng hapon dahil sa tama ng bala sa kanyang baba na tumagos sa kanyang ilong. Nakakuha rin daw ng mga shrapnel o maliliit na piraso ng bala sa utak ng biktima.
Sa unang pahayag na inilabas ng Bulacan Police Provincial Office, iniulat nila na nabaril ng bata ang kanyang sarili gamit ang service firearm ng kanyang tatay na pulis. Itinakas diumano ng bata ang baril mula sa kanilang bahay at dinala sa Benito Nieto Elementary School sa Barangay Muzon, Lungsod ng San Jose del Monte. Inaalam pa ng pulisya kung paano naipasok ang baril sa loob ng paaralan.
Pumutok daw ang baril habang kinakalikot ito ng bata sa loob ng comfort room ng paaralan. Nakita siyang duguan at agad na isinugod sa ospital ng mga teacher. Pero makalipas ang ilang oras ay binawian din siya ng buhay. Iniimbistigahan na ng pulisya ng San Jose del Monte ang pangyayari.
Photo: SJDM Police