1,290 kaso ng dengue naitala sa Bulacan
Mon Lazaro June 8, 2023 at 11:27 PMUmabot na sa 1,290 na kaso ng dengue ang naitala sa lalawigan ng Bulacan sa taong kasalukuyan kung saan anim na katao na rin ang naiulat na namatay.
Kinumpirma ito sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Dr. Hjordis Marushca Celis, Provincial Public Health Officer II ng lalawigan.
Sinabi pa niya na ang nasabing datos ay mula sa naging pagmomonitor ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng Bulacan simula noong Enero 1 hanggang Mayo 27 ng taong kasalukuyan.
Ipinaliwanag ni Celis na ang sakit na dengue ay naililipat sa tao sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na Aedes Aegypti na nabubuhay at nagpaparami sa malilinis na tubig.
Sa kasalukuyan, may mga barangay sa Bulacan ang inilagay sa kategoryang “clustering” o yaong mga komunidad na nagkaroon ng apat o higit pa na kaso ng dengue sa nakalipas na dalawang linggo.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng mga Barangay Kaypian, Muzon at Sto. Cristo sa Lungsod ng San Jose del Monte; Barangay Lawa at Pandayan sa Lungsod ng Meycauayan; Lambakin at Nagbalon sa bayan ng Marilao; Poblacion sa Pandi at San Mateo sa Norzagaray.
Pinaaalalahan ni Celis ang mga Bulakenyo tungkol sa programa ng pamahalaan na “5S kontra Dengue.”
Ito ay kinabibilangan ng “Search and Destroy of Breeding Sites; Self protection measures; Seek Early Consultation; Support Fogging or spraying during impending outbreak” at Sustain hydration.”
Ipinaliwanag pa ni Celis na ang mga hakbangin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kontra dengue ay kinabibilangan ng mga sumusunod;
Tuloy-tuloy na pagbibigay ng Dengue Chemicals sa mga Lungsod / Munisipalidad na may matataas na kaso ng Dengue;
Pagbibigay ng mga Dengue NS1 Kits sa Lungsod / Munisipalidad at mga pampublikong ospital;
Paggawa ng Memorandum DRF-03242023-121 for Awareness of Dengue Prevention and Control;
Pagbibigay ng patuloy na impormasyon para makaiwas sa sakit na Dengue;
At reinforcement ng Barangay Dengue Task Force.
Photo: DOH FB