134 barangay sa 14 na bayan sa Bulacan ang apektado ng baha
Mon Lazaro July 29, 2023 at 06:00 PMLUNGSOD NG MALOLOS — Umabot sa 134 na barangay sa labindalawang bayan at dalawang lungsod sa Bulacan ang naapektuhan ng baha dulot ng Bagyong Egay at mga pag-ulan na dala ng hanging habagat nitong araw ng Sabado.
Ayon Kay Manuel Lukban Jr., hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Bulacan, base sa kanilang pinakahuling monitoring ang mga apektadong lugar ay kinabibilangan ng 26 barangay sa bayan ng Calumpit, 4 sa Balagtas, 8 sa Guiguinto, 16 sa Paombong, 4 sa Angat, 12 sa Pandi, 5 sa Bocaue, 1 sa Plaridel, 2 sa Bustos, 5 sa Obando, 4 sa Marilao, 5 sa San Rafael, 29 sa Lungsod ng Malolos at 13 sa Lungsod ng Meycauayan.
Ang mga ito ay naapektuhan ng tubig baha mula kalahating piye (feet) hanggang sa limang piye (feet). Ang pinakamalalim na namonitor ay sa Barangay Sapang Bayan sa Calumpit.
Samantala, 23 sa 24 na bayan at lungsod ng Bulacan ay nagbukas ng may kabuuang 164 evacuation centers na kumupkop sa 3,727 na pamilya o 14,407 na indibidwal.
Pangkaraniwan na ang mga alkalde ng mga bayan at lungsod ng Bulacan na apektado ng baha ay kaagapay sa pagbibigay ng mga relief goods at pagkain sa mga evacuees.
Isang halimbawa ang mabilis na pagtugon ni Bocaue Mayor Jonjon Villanueva, kasama ang kanilang Municipal Social Welfare and Development Office, MDRRMO at iba pang kawani ng kanilang Pamahalaang Bayan, para maibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga kababayan na nasa iba’t ibang evacuation center sa kanilang lugar.
Nais masigurado ni Mayor Jonjon Villanueva na kumpleto ang kanilang mga pagkain, mga gamit, at komportable sila sa kanilang kinalalagyan.
Si Mayor Villanueva ang kasalukuyang pangulo ng League of Municipalities of the Philippines-Bulacan Chapter.
Photo: Bocaue Rescue FB