14 arestado sa droga; P176k halaga ng shabu nakumpiska sa Bulacan
Mon Lazaro May 17, 2025 at 06:58 PM
CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Labing-apat na indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na droga na isinagawa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan mula Mayo 16 hanggang Mayo 17, 2025. Kabuuang 38 plastic sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱176,528 ang nakumpiska sa mga operasyon.
Ayon sa ulat na nakarating kay Col. Franklin Estoro, OIC ng Bulacan Police Provincial Office, isang buy-bust operation ang isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit ng Norzagaray Municipal Police Station dakong ala-1:00 ng madaling araw ng Mayo 17 sa Barangay Bitungol, Norzagaray. Naaresto ang isang suspek na nakuhaan ng limang plastic sachet ng hinihinalang shabu na may halagang ₱83,640 at buy-bust money.
Samantala, apat na indibidwal ang naaresto ng mga operatiba ng Meycauayan City Police Station sa isang police response operation sa Sili Street, Barangay Lawa, Meycauayan City, dakong alas-10:50 ng gabi ng Mayo 16. Ito ay matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen tungkol sa isang pot session sa nasabing lugar. Nasamsam sa operasyon ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu, isang sachet at aluminum foil strip na may residue ng shabu, dalawang improvised aluminum foil pipe, at dalawang disposable lighters.
Nagsagawa rin ng magkakahiwalay na buy-bust operations ang mga Station Drug Enforcement Units ng Hagonoy, San Miguel, Malolos, Pandi, at San Rafael Police Stations. Ang mga operasyon na ito ay nagresulta sa pagkakaaresto ng siyam na indibidwal na sangkot sa pagtutulak ng droga. Nakumpiska sa mga nasabing operasyon ang kabuuang 31 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱92,888 at buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri.
📷 Bulacan Police Provincial Office