172 barangay sa Bulacan apektado pa rin ng tubig baha
Mon Lazaro August 1, 2023 at 04:43 PMLUNGSOD NG MALOLOS — Nasa 172 na barangay sa 16 na bayan at tatlong lungsod ng lalawigan ang apektado pa rin ng tubig baha nitong Martes ng umaga.
Base sa talaan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan nitong Martes ng umaga ang tubig baha sa mga nasabing lugar ay may lalim na anim na pulgada (inches) hanggang walong piye (feet) kung saan ang pinakamalalim ay namonitor sa Barangay Biniang 1st sa bayan ng Bocaue.
Ang mga barangay na apektado ng tubig baha ay kinabibilangan ng 28 sa Calumpit; 23 sa Hagonoy; 13 sa Bulakan; walo sa Balagtas; walo sa Guiguinto; siyam sa Paombong; isa Angat; dalawa sa Pandi; 10 sa Bocaue; isa sa Plaridel; dalawa sa Bustos; apat sa Obando; apat sa Marilao; lima sa San Rafael; lima sa San Ildefonso; at anim sa San Miguel.
Ang apektadong Barangay sa mga lungsod ay 25 sa Malolos;13 sa Meycauayan at lima sa Baliwag.
Mayroon namang 4,911 pamilya o 17,774 indibidwal ang kasalukuyang nasa ibat-ibang evacuation center sa lalawigan.
Ayon pa sa PDRRMO ang partial at unofficial report sa kabuuang halaga ng nasira sa sektor ng agrikultura ay umabot sa P93,138,620.29.
Kabilang dito ang halagang P25,475,141.83 na nasira sa 4,073.68 hektarya ng palayan na tinataniman ng 2,973 magsasaka; P39,969,302.00 halaga ng gulay na nakatanim sa 171.83 hektarya ng lupa ng 572 maggugulay; P27,627,620.29 halaga ng isda sa 859.57 hektarya ng palaisdaan na nakaapekto sa 668 fishpond operators.
Photo: Sec. Maryrose Tanay, Brgy. Bunducan, Bocaue