19 sugatan sa sumabog na bodega ng paputok sa Bocaue
Mon Lazaro June 15, 2023 at 02:59 PMBOCAUE, Bulacan — Isang bodega ng paputok ang sumabog at nasunog nitong Huwebes ng madaling araw sa Barangay Bunducan sa bayan na ito.
Kinumpirma sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Rodante Galvez, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Bocaue, na umabot sa 19 na tao ang nakaranas ng minor injuries dahil sa naganap na pagsabog ng bodega ng fireworks. 45 na pamilya ang naiulat na direktang naapektuhan ng insidente. 16 ang bahay na tuluyang nawasak, habang 7 ang partially damage at 22 ang slightly damage.
Sinabi pa ni Galvez na wala namang naiulat na nasawi ngunit apat na tao ang naisugod sa Mayor Joni General Hospital sa Bocaue para gamutin sa mga tinamo nilang minor injuries.
Ayon naman kay Ret. Col. Manuel Lukban Jr., pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Bulacan, ang nasabing sunog ay nagsimula pasado alas-dos ng madaling araw at umabot sa 2nd Fire Alarm at tuluyang naideklarang fire out bandang 5:11 ng umaga.
Samantala, kinilala ni Lt. Col. Ronnie Pascua, Bocaue police chief, ang may-ari ng bodega ng fireworks na si Nita Ofracio na isa ring lehitimong may-ari ng tindahan ng mga paputok sa nasabing bayan. Nasa isang residential area aniya ang bodega ni Ofracio.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang inilalabas na resulta ng kanilang imbestigasyon ang mga tauhan ng Bocaue Fire Station.
Photo: PIO Bulacan Police Office