| Contact Us

191 barangay sa Bulacan apektado pa rin ng tubig baha

Mon Lazaro July 31, 2023 at 07:26 PM

LUNGSOD NG MALOLOS — Umabot na sa 191 ang bilang ng mga barangay sa lalawigan ng Bulacan ang apektado ng tubig baha ngayong araw ng Lunes.

Base sa talaan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Bulacan, ang mga nasabing lugar ay lumubog sa tubig baha mula anim na pulgada (inches) hanggang anim na piye (feet).

Ang pinakamalalim ay naitala sa mga Barangay ng Gugo, Meysulao at San Miguel sa bayan ng Calumpit.

Ang nalubog na mga lugar ay kinabibilangan ng 28 barangay sa bayan ng Calumpit; walo sa Balagtas; walo sa Guiguinto; siyam sa Paombong; apat sa Angat; 16 sa Pandi; anim sa Bocaue; isa sa Plaridel; dalawa sa Bustos; tatlo sa Obando; apat sa Marilao;lima sa San Rafael; 23 sa Hagonoy; lima sa San Ildefonso; 13 sa Bulakan; at anim sa San Miguel.

Sa mga lungsod naman sa lalawigan, 26 na barangay ang naapektuhan sa Malolos; 13 sa Meycauayan; lima sa Baliwag; at anim sa San Jose del Monte.

Umabot naman sa 4,794 pamilya o 18,392 na indibidwal ang inilikas sa ibat-ibang evacuation centers sa lalawigan.

Sinuspinde naman ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang mga klase sa lahat ng antas sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan itong araw ng Lunes.

Kabilang din sa suspension order ang pasok sa mga pribado at pampublikong opisina sa lalawigan.

Hindi naman kasali sa suspension order ang pasok sa mga opisina na kabilang sa emergency, health at social services.

Samantala, sinabi naman sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Josephine Salazar, National Irrigation Administration regional director sa Central Luzon, na nitong tanghali ng Lunes ay nagpapakawala pa rin ng tubig ang Ipo Dam sa dami na 34.70 cubic meter per second (CMS) na dadausdos pababa sa Bustos Dam.

Ang Sluice Gates 1 at 2 ng Bustos Dam ay itinaas sa 1.5 metro. Samantala ang Sluice Gate 3 nito ay itinaas ng isang metro at nagpapakawala ng kabuuang 106 CMS.

Ang Rubber Gate 3 naman nito ay muling itinaas na at hindi na nagpapatapon ng tubig, dagdag pa ni Salazar.

Photo: Ramon Castro Meneses / Mon Lazaro

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last