2 estudyante nalunod habang naliligo sa ilog ng Angat, Bulacan
Mon Lazaro July 22, 2024 at 07:53 PM
ANGAT, Bulacan — Dalawang estudyante mula sa bayan ng Hagonoy ang nalunod habang naliligo sa Angat River nitong araw ng Linggo.
Kinilala ng mga imbestigador ng Angat Municipal Police Station ang mga biktima na sina Jonathan James Retobado, 15 taong gulang at Jerome Chavez na pawang mga estudyante at residente ng Sitio Buga, Sta. Elena, Hagonoy, Bulacan.
Nalunod ang mga biktima habang naliligo sa Angat River sa Sitio Pugpog, Barangay Santa Cruz sa bayan ng Angat bandang 11:40 ng umaga at naiulat lamang sa pulisya mahigit apat na oras matapos ang nasabing insidente.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Angat Municipal Police Station, naliligo sa nasabing ilog sina Rebotado at John Patrick Renzales, siyam na taong gulang at residente ng Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Angat ng tangayin sila ng malakas na agos ng tubig papunta sa malalim na bahagi ng ilog.
Tinangka ni Chavez na sagipin sina Rebotado at Renzales, habang nakagawa naman ng paraan si Renzales na makalangoy sa pampang ng ilog sa Barangay Laog sa nasabing bayan.
Sa kasamaang palad naman ay hindi na nakaahon sina Chavez at Rebotado nang sila ay lumubog. Pareho silang nalunod sa malalim na bahagi ng ilog dahil sa lakas ng agos ng tubig.
Nagawa naman na maiahon ng mga residente sa nasabing lugar ang mga bangkay ng dalawang biktima at naisugod ng Angat Rescue Team sa Angat Rural Health Unit sa nasabing bayan ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor na sumuri sa kanila.
📷 Screenshot from Rolando Trinidad’s video