2 kaso ni Palparan ibinasura ng Bulacan RTC Branch 19
Mon Lazaro October 6, 2023 at 08:05 PMLUNGSOD NG MALOLOS — Ibinasura ni Judge Francisco Felizmenio ng Bulacan RTC Branch 19 nitong araw ng Biyernes (Oktubre 6) ang dalawang kaso ng kidnapping and serious illegal detention with physical injuries na isinampa laban kay Ret. Maj. Gen. Jovito Palparan at iba pang akusado.
Hindi dumating si Palparan sa Bulacan RTC para sa promulgasyon pero nakadalo naman siya at ang kanyang abogado sa pamamagitan ng video conference.
Nakasama ni Palparan sina T.Msgt. Rizal Hilario at pito pang miyembro ng CAFGU sa kasong isinampa ng magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo na umano’y dinukot noong February 14, 2006 sa Barangay Buhol sa Mangga, San ildefonso, Bulacan.
Ang magkapatid na Manalo ay sinasabing nakatakas sa militar noong August 14, 2006 nang sila ay dalhin sa isang farm sa Pangasinan.
Bandang 1:30 ng hapon ay dumating sa tapat ng bulwagan ng Malolos Regional Trial Court (RTC) ang grupong Karapatan at ang Desaparecidos na umaasang papabor sa magkapatid na Manalo ang dalawang kaso na isinampa nila laban kay Palparan at sa mga kasama nitong mga akusado.
Matapos ang promulgasyon sa kaso nina Palparan, emosyonal na nagsisigaw palabas ng RTC Building si Raymond Manalo na dismayado sa naging hatol ng hukuman at humahagulgol na nagsabing hindi nila nakuha ang hustisya.
Sinabi rin niya na hindi pa naman tapos ang laban.
Ilang sandali pa ay kasunod na bumaba sa nasabing gusali si National Union of Peoples Lawyers (NUPL) private prosecutor Atty. Julian Oliva Jr.,
Ipinaliwanag niya sa mga kasamahan ni Manalo na hindi raw malinaw na na-identify ng mga nagrereklamo sina Palparan at iba pang akusado.
Hindi rin aniya maliwanag na natukoy ng mga complainant ang lugar kung saan sila dinala at naging inconsistent din daw ang mga testimonya ng magkapatid na Manalo.
Sinabi pa ni Oliva na nagtataka sila kung bakit ganito ang naging hatol ng korte gayong si Manalo ang tumayong testigo sa kaso ng pagdukot sa dalawang UP students na sina Karen Empeño at Shierlyn Cadapan kung saan guilty ang hatol ng korte laban kay Palparan.
Idinagdag pa ni Oliva na pag-aaralan muna ng kanilang grupo ang susunod na hakbang matapos ang promulgasyon at isa na rito ang pagsusumite ng Motion for Reconsideration.
Photo: Mon Lazaro