2 Most Wanted Persons, naaresto sa Bulacan at Angeles City
Mon Lazaro May 4, 2025 at 11:52 AM
CAMP OLIVAS, Pampanga – Dalawang Top Most Wanted Persons ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Bulacan at Angeles City nitong ika-2 ng Mayo, taong kasalukuyan.
Naaresto si alyas “Intoy,” 59 taong gulang, residente ng Barangay Fatima IV, Lungsod ng San Jose del Monte, bandang alas-11:33 ng umaga, sa kahabaan ng Bonifacio Street, Barangay Población, Santa Maria, Bulacan.
Ang kanyang pagkakaaresto ay batay sa warrant of arrest para sa kasong murder sa ilalim ng Criminal Case No. 827-M-2025, na inilabas ng RTC Branch 120, San Jose del Monte City, Bulacan noong Marso 28, 2025. Walang piyansa ang inirekomenda para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Samantala, bandang 1:30 ng hapon ay naaresto naman si alyas “Jestoni,” 23 taong gulang, residente ng Barangay Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro, sa Bayanihan Park, Barangay Balibago, Angeles City.

Nahaharap siya sa dalawang kaso ng Statutory Rape sa ilalim ng Criminal Case Nos. R-24-12320 at R-24-12321, na inilabas ng RTC Branch 45, San Jose, Occidental Mindoro noong ika-28 ng Enero, taong kasalukuyan. Tulad ni Intoy, walang piyansa rin ang inirekomenda para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ayon kay Brig. Jean Fajardo, regional police director ng Gitnang Luzon, “Ang pagkakaaresto sa dalawang Most Wanted Persons na ito ay resulta ng mas pinaiigting nating intelligence coordination at inter-unit collaboration. Patunay ito na walang ligtas na taguan ang mga pinaghahanap ng batas, at patuloy tayong magsasagawa ng mga operasyon upang matiyak na mapanagot sa batas ang mga kriminal. Pinapaalalahanan din natin ang ating mga kababayan na makiisa sa ating kampanya para sa katahimikan at kaayusan.”
📷 Regional Police Information Office of Central Luzon